1. Ang tagapagkatay ay kailangang taong may sapat na pag-iisip at isang Muslim o Kristiyano o Hudyo. 
Samakatuwid, hindi Halal ang kinatay ng isang baliw o lango (lasing sa alak o bangag sa gamot) o bata na wala pang sapat na pag-iisip sapagkat hindi tanggap sa mga nabanggit ang layunin na magkatay dahil sa kawalan nila ng sapat na pag-iisip. Hindi rin Halal ang kinatay ng isang di-mananampalataya, pagano o kaanib ng Zoroasterianismo, at Qubooree (mananamba ng patay o nakalibing sa puntod).
2. Ang kagamitan sa pagkakatay. Ipinahihintulot ang pagkatay sa pamamagitan ng lahat ng matalas na bagay na nakapagpapadanak ng dugo, maging ito man ay gawa sa bakal o bato o maging anupaman ito, maliban sa ngipin, buto at kuko sapagkat hindi ipinahihintulot na ipangkatay ang mga ito.
3. Ang paglalaslas ng lalamunan na siyang daanan ng hangin papuntang baga, ng esopago na siya namang daanan ng pagkain at inumin, at ng isa sa dalawang malaking ugat sa leeg. 
Ang dahilan kung bakit itinakda ang bahaging ito ng katawan at lalo na ang pagputol sa mga nabanggit ay upang lumabas ang dugo sapagkat ang bahaging ito ay tagpuan ng mga pangunahing ugat at sapagkat ang gayon ay siyang pinakamabilis sa pag-aalis ng buhay, kaya naman ang karne ay lalong malasa at hindi gaanong masakit para sa hayop.
Kapag hindi magawang laslasin sa nabanggit na bahagi dahil hindi makaya, tulad halimbawa ng mailap na hayop, ang pagkatay sa ganitong hayop ay sa pamamagitan ng pagsusugat sa alinmang bahagi ng katawan nito.
Ang hayop na nasakal, napalo o nabagsakan ng anumang mabigat, nalaglag buhat sa mataas na lugar, at nilapa ng mabangis na hayop ay ipinahihintulot kainin sa kundisyon na ito ay naabutang may buhay pa at makakatay pa.
4. Na ang tagapagkatay ay magsasabi ng bismillah bago laslasin ang lalamunan. Kanais-nais ding sabihin ang Allahu akbar kasama ng bismillah.