Ang mga antas ng Relihiyon ay tatlo: ang Islām (Pagpapasakop), ang Īmān (Pananampalataya), at ang Iḥsān (Pagpapahusay(.
Ang Unang Antas: Ang Islām
Ang Islām (Pagpapasakop) ay ang pagsuko kay Allāh sa pamamagitan ng Tawḥīd, ang pagpapaakay sa Kanya sa pamamagitan ng pagtalima, at ang pagpapawalang-kaugnayan sa Shirk at mga alagad nito.
Ang mga Haligi ng Islām
Nagsabi ang Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan): "Itinayo ang Islām sa lima: pagsaksi na walang Diyos kundi si Allāh at na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh, pagpapanatili ng ṣalāh, pagbibigay ng zakāh, pag-aayuno sa Ramaḍān, [pagsasagawa ng] ḥajj sa Bahay [ni Allāh]." Napagkaisahan sa katumpakan.
Ang mga haligi ng Islām ay mga pagsambang inoobliga sa bawat Muslim. Hindi natutumpak ang pagkaanib sa Islām ng tao malibang sa pamamagitan ng paniniwala sa pagkakailangan ng mga ito at pagsasagawa sa mga ito dahil ang Islām ay itinayo sa mga ito. Dahil doon, tinawag ang mga ito na mga haligi ng Islām.
Ang mga haliging ito ay ang sumusunod:
Ang Unang Haligi: Ang pagsaksi na walang Diyos kundi si Allāh at na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh.
Nagsabi si Allāh:
﴿فَٱعۡلَمۡ أَنَّهُۥ لَآ إِلَٰهَ إِلَّا ٱللَّهُ١٩﴾[محمد: 19]
 {Kaya alamin mo na walang Diyos kundi si Allāh.} (Qur'ān: 47:19)
 Nagsabi pa Siya: 
﴿لَقَدۡ جَآءَكُمۡ رَسُولٞ مِّنۡ أَنفُسِكُمۡ عَزِيزٌعَلَيۡهِ مَاعَنِتُّمۡ حَرِيصٌ عَلَيۡكُم بِٱلۡمُؤۡمِنِينَ رَءُوفٞ رَّحِيمٞ١٢٨﴾ [التوبة: 128]
{Talaga ngang may dumating sa inyo na isang Sugo kabilang sa mga sarili ninyo, na mabigat sa kanya ang anumang ininda ninyo, na masigasig sa inyo, na sa mga mananampalataya ay mahabaging maawain.} (Qur'ān 9:128)
Ang kahulugan ng pagsaksi na walang Diyos kundi si Allāh ay walang sinasamba na totoo kundi si Allāh.
Ang kahulugan ng pagsaksi na si Muḥammad ay Sugo ni Allāh ay ang pagtalima sa kanya sa anumang ipinag-utos niya, ang paniniwala sa kanya sa anumang ipinabatid niya, at ang pag-iwas sa anumang sinaway niya at sinawata niya, at na hindi sambahin si Allāh malibang ayon sa isinabatas niya.