Ang Islam ang relihiyon ni Adan at ni Eba at ng kanilang mga anak hanggang sa katapusan ng mundo. Ito ay simple, malinaw, praktikal, at madaling maunawaan. Ang ganda ng Islam ay walang hanggan, dahil ito ay mula sa Tagapaglikha.

Ang nag-iisang tunay na Diyos, Allah, ay nagsabi sa kanyang kabigha-bighani at di-nabagong Qur-an na: “Sa araw na ito’y Aking ginanap ang inyong relihiyon para sa inyo, at nilubos Ko ang Aking paglingap sa inyo, at Aking itinakda sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon.” (5:3)

Ang nag-iisang tunay na Diyos ring ito ang nagsabi sa atin na si Muhammad ang Kanyang kahuli-hulihang Propeta na ipinadala para sa sangkatauhan (sa mga Muslim, Kristiyano, Hudyo, Budista, Ateista, Agnostiko atbp.).

Inihandog ni Allah ang Kanyang gabay at liwanag sa lahat ng tao at kanyang inihayag ang mga sikreto at susi upang kanilang makamtan ang katiwasayan at kaluguran gayundin ang ispiritwal, panlipunan at pandaigdigang kapayapaan.

Itinuturo ng Islam na tayo ay maging makatarungan, marangal, matapat, may layunin, at maging bukas ang isipan sa pagsasaliksik sa katotohanan at sa pakikitungo at paghusga sa iba.

Ang paghahanap sa katotohanan ay kailangang naka-ayon sa mapagkakatiwalaang pinagmulan at mapapanilagang katotohanan. At ang pakikitungo at paghusga sa kapwa ay kailangan na maging makatarungan, sa mabuting pag-uugali, pakikipagtalakayan, paggalang sa isa’t isa at malinaw na pang-unawa.