Pinalaganap din ni Propeta Muhammad ang mensahe ng Islam sa mga namumuno o namamahala sa iba't ibang bansa.

Nagpadala siya ng mensahe sa mga sumusunod:

Heracleus – Emperador ng Emperyong Romano

Nagpagawa ng sulat ang Propeta upang ibigay kay Heracleus, Emperador ng Emperyong Byzantine (Romano), na nagsasaad ng ganito:

Sa Ngalan ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Mahabagin

Mula kay Muhammad, ang Alipin at Sugo ng Allah, para kay Heracleus, Emperador ng Byzantine. Kapayapaan sa sinumang sumusunod sa tamang landas.  Inaanyayahan kita sa paanyaya ng Islam. Tanggapin ang Islam at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan; tanggapin ang Islam at  gagantimpalaan ka ng Allah nang paulit-ulit. Kung ikaw ay tatanggi,  magkakaroon ka ng pananagutan at pagkakasala sa iyong mga nasasakupan. ‘O Angkan ng Kasulatan! Halina't tayo’y magkasundo sa isa't isa; na wala tayong sasambahin maliban sa Allah, na huwag tayong magtambal ng anupaman sa Kanya; na huwag tayong magtayo at magtangi ng panginoon at patron mula sa ating mga sarili maliban sa Allah.’ Kung sila ay magsitanggi, sabihin: ‘Kami ay sumasaksi na kami ay mga Muslim (tumatalima sa Allah).

Negus - Hari ng Abyssinia

Ang idiniktang sulat ng Propeta upang ipadala kay Negus (o hari) ng Abyssinia ay naglalaman ng ganito:

Kapayapaan, Purihin ang Allah, ang Hari, ang Banal, ang Tagapag-ingat ng Kapayapaan, ang may Tangan ng Pananampalataya, ang Tagapagbantay.

Siya ang Allah, walang diyos maliban sa Kanya, ang Dakila, ang Banal, ang Pinagmumulan ng Kapayapaan (at Kaganapan), ang Nagbabantay ng Pananampalataya, ang Tagapangalaga ng Kaligtasan, ang Kataas-taasan sa Kapangyarihan, ang Walang-Hanggan, ang Dakila: Purihin ang Allah! (Siya ay sadyang malayo) sa lahat ng mga itinatambal sa Kanya.

…Inaanyayahan kita sa (landas ng) Allah, - ang walang katulad, walang katambal, na sumunod sa Kanya, sumunod at maniwala sa akin at sa (Aklat na) Kanyang  ipinadala, ako ay Sugo ng Allah.  Kapayapaan sa lahat ng tumatahak sa tamang landas.

3.    Hari ng Persia

Ganito naman ang sulat na ipinadala sa hari ng Persia:

Sa Ngalan ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Mahabagin

Mula kay Muhammad, Sugo ng Allah para kay Chosroes, ang Shah ng Persia.

Kapayapaan sa mga sumusunod sa katotohanan, sa mga naniniwala sa Allah at sa Kanyang Propeta at sumasaksi na walang Rabb (Panginoon) maliban sa Allah at si Muhammad ay Kanyang Sugo.  Hinihiling ko sa iyo sa Ngalan ng Allah, dahil ako ay Kanyang Sugo, na paalalahanan ang iyong mga nasasakupan na kung hindi nila tatanggapin ang mensahe, mananagot sila sa kabilang buhay. Kaya maging Muslim at ikaw ay maliligtas.  Kung hindi mo ipararating sa kanila ang katotohanan, pananagutan mo ang kanilang pagiging walang kaalaman.

Hari ng Ehipto na isang Coptic Kristiyano

Ang idiniktang sulat ng Propeta para sa namumuno sa Ehipto, isang Coptic na Kristiyano:

Sa Ngalan ng Allah, Ang Mapagpala, Ang Mahabagin

Mula kay Muhammad, anak ni Abdullah, para sa Copt.
Kapayapaan sa sinumang sumusunod sa katotohanan. Ipinakikiusap ko na tanggapin mo ang Islam.  Maging isang Muslim. Gagantimpalaan ka ng Allah nang paulit-ulit.  Kung ikaw ay tatanggi, pananagutan mo ang pagkakait ng biyayang ito sa iyong mga nasasakupan.

Sa pamamagitan ng mga nabanggit na liham, ang mga sumusunod ay nararapat limiin at isa-isip.

Ang Propeta ay nagbigay-diin sa pandaigdigang kabuuan ng mensahe, na ang Islam ay para sa sangkatauhan.

Ang Propeta  ay nagbigay ng isang pagbati sa kanyang mga sinulatan nang may kondisyong matatamo ang kapayapaan ng sinumang sumunod sa katotohanan.

Kanyang ipinahayag ang mensahe nang may ganap na kapangyarihan at sinabing siya ay Sugo ng Allah(U).  Kanya ring ibinigay ang ganap na babala sa kanyang mga sinulatan na kanilang pananagutan kung kaliligtaan nila ang pagpaparating ng mensahe sa kanilang mga nasasakupan.  Sinabi rin niya ang magandang balitang mapapasa-kanila ang kapayapaan kung tatanggapin nila ang Islam, gayundin ang dakilang gantimpala at biyaya mula sa Allah(U).

Naglalaman ang bawa’t sulat ng mahahalagang mensahe at nababatay sa katayuan ng kanyang sinusulatan, lalung-lalo na sa kanilang karanasan sa pananampalataya. At kung kinakailangan, bumabanggit din ang Propeta ng mga talata mula sa Banal na Qur’an upang bigyang-diin ang Tunay at Ganap na Kaisahan ng Allah(U).

Sa lahat ng kanyang sinulatan, ang hari ng Abyssinia lamang ang dagliang tumugon sa kanyang panawagan. Bagaman tumanggi ang ibang mga namumuno sa kanyang paanyaya - ang Persia, Syria at Ehipto ay naging bansang Muslim pagkalipas ng ilang taon sa pagbagsak ng mga namumuno.