Kapag may nangyayari sa babae at lalaki na isang pagtatalik kahit pa man hindi naipalabas ang manīy o lumabas ito mula sa kanilang dalawa nang may pagnanasa sa kalagayan ng pagkagising o lumabas ito sa kalagayan ng pagkatulog, kakailanganin sa kanila ang ghusl (paligo) nang sa gayon maging maaari sa kanila na magsagawa ng ṣalāh o ng anumang nag-oobliga ng ṭahārah.Gayon din, ang babae naman, kapag natigil siya sa regla o nifās, kakailanganin sa kanya ang ghusl bago siya maaaring magsagawa ng ṣalāh o ng anumang nag-oobliga ng ṭahārah.
Ang paraan ng ghusl ay gaya ng sumusunod:
na magpalubus-lubos ang Muslim ng pagbuhos ng tubig sa katawan niya sa kabuuan nito sa alinmang paraan, at kabilang doon ang pagmumumog at ang pagsinghot at pagsinga ng tubig. Kapag nakapaglubus-lubos siya ng pagbuhos ng tubig sa katawan niya, naalis sa kanya ang malaking ḥadath at nalubos ang ṭahārah niya.
May isa pang paraang higit na kumpleto. Ito ay ang ginagawa noon ng Propeta (basbasan siya ni Allāh at pangalagaan). Ito ay gaya ng sumusunod:
1. Ang paglalayon ng pag-aalis ng ḥadath.
2. Ang pagsambit ng bismi –llāh (sa ngalan ni Allāh), ang paghuhugas ng mga kamay nang tatlong beses, at ang paghuhugas ng ari.
3. Ang pagsasagawa ng buong wuḍū' kung paanong nagsasagawa ng wuḍū' ang Muslim para sa ṣalāh.
4. Ang pagbuhos ng tubig sa ulo nang tatlong beses, na binabasa sa pamamagitan nito ang mga pinagtutubuan ng buhok niya.
5. Ang paglubus-lubos ng pagbuhos ng tubig sa buong katawan, na nagsisimula sa paghuhugas sa kanang kalahati ng katawan, pagkatapos sa kaliwang kalahati, kalakip ng pagkukuskos sa pamamagitan ng mga kamay upang umabot ang tubig sa lahat ng mga bahagi ng katawan.
Ipinagbabawal sa junub ang paggawa ng sumusunod hanggang sa makapagsagawa ng ghusl:
1. Ang pagsasagawa ng ṣalāh.
2. Ang pagsasagawa ng ṭawāf sa Ka`bah.
3. Ang pananatili sa masjid ngunit pinapayagan ang pagtawid lamang nang walang pananatili.
4. Ang pagsaling ng muṣḥaf (pisikal na kopya ng Qur'ān).
5. Ang pagbabasa ng Qur'ān.