- عَنْ أَبِيْ هُرَيْرَةَ رَضِيَ اللَّهُ عَنْهُ، يَقُوْلُ: قَالَ رَسُوْلُ اللَّهِ صَلَّى اللَّهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ: "مَنْ سَمِعَ رَجُلاً يَنْشُدُ ضَالَّةً فِي الْمَسْجِدِ؛ فَلْيَقُلْ: لاَ رَدََّهَا اللَّهُ عَلَيْكَ؛ فَإِنََّ الْمَسَاجِدَ لَمْ تُبْنَ لِهَذَا". (صحيح مسلم، رقم الحديث 79 -(568)، ).
48- Si Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat, kanyang sinasabi: [Ang Sugo ng Allah () ay nagsabi: “Ang sinumang nakarinig ng isang lalaking nag-aanunsiyo sa paghahanap ng isang nawawalang bagay sa loob ng Masjid ay magsabi ng ganito: Nawa’y hindi na ibabalik ito sa iyo ng Allah. Sapagka't sa katotohanan, ang mga Masjid ay hindi itinayo para dito”]. Muslim [Hadith bilang: 79-(568)].
Ang nag-ulat nito ay nabanggit na sa unang Hadith.
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Tunay ngang ang mga Masjid ang siyang pinakamainam at kaibig-ibig na lugar sa ibabaw ng lupa para sa Allah, dahilan sa taglay nitong mataas na antas at dakilang katayuan sa Islam, kaya’t dapat lamang na pangalagaan ang kabanalan nito.
2. Hindi ipinahihintulot ang pag-aanunsiyo sa mga nawawalang bagay at yaman, o ang paglalarawan sa mga ito sa loob ng mga Masjid, sapagka't ang mga Masjid ay hindi pinatayo para dito, bagkus pinatayo ang mga ito upang maitaguyod ang paggunita sa Allah, ang pagsunod sa Kanya at ang pagsamba sa Kanya lamang, at para sa pagbasa ng Kanyang Aklat at maipalaganap ang mga kaalamang kaugnay sa Kanyang Relihiyon. Datapuwa’t ang pagsulat sa papel bilang anunsiyo sa mga nawawalang bagay at ang pagpaskil nito sa labas ng dingding ng mga Masjid, o sa pintuan nitong panlabas ay hindi naman masama.
3. Ang mga Masjid ay mga tahanan na pinagdadausan ng pagsamba sa Allah, kaya’t hindi ito maaring pagdausan ng pagsamba sa iba bukod sa Allah, at hindi rin maaaring manalangin dito maliban sa Allah, kaya ang sinumang pumasok dito ay marapat na ibaling lamang ang kanyang gawa nang buong katapatan para sa Allah. Ang Allah ay nagsabi: (At tunay ngang ang mga Masjid ay para sa Allah lamang, kaya huwag kayong manalangin sa kaninuman bilang kaagapay ng Allah). Al-Jinn (72):18
Samakatuwid, hindi maaaring mag-anunsiyo dito ang sinuman para sa nawawala niyang mga bagay, bagkus ang sinumang nakarinig ng isang tao na nagtatanong sa mga tao tungkol sa nawawala niyang mga bagay sa loob ng Masjid, sa gayon ay marapat niyang ipanalangin ito na hindi na sana niya matagpuan ang mga nawawala sa kanya, bilang kaparusahan sa kanya sa pagsalungat niya sa mga katuruan ng Islam ukol sa bagay na ito.