7- Si Abu Darda' (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat, kanyang sinasabi: Ang Sugo ng Allah () ay nagsabi: "Ang mga mapagsumpa ay hindi makakapamagitan sa Araw ng Pagbabangong Muli, ni hindi makapagsasaksi". Muslim [Hadith Bilang: 85 – (2598)].
Ang taga-ulat ng Hadith na ito:
Siya si Abu Al-Darda' (palayaw), na si `Uwaymir ibn Zaid ibn Qais Al-Ansari Al-Khazraji. Siya ay yumakap sa Islam sa araw ng digmaan sa Badr, at siya ay isang Sahabi (Kasamahan ng Propeta) na kilala sa pagkamaalam sa pamayanang ito, at siya ang pangulo ng mga batikang mambabasa sa Damasco at isang mambabatas dito, at siya rin ay kabilang sa mga nagsitaguyod sa pagtipon ng Banal na Quran at sa pagsasaulo nito sa kapanahunan ng Sugo ng Allah (), at siya ay nakapag-ulat sa mga aklat ng Sunnah ng (179) na Hadith. Siya ay namatay taong ika-(32) o ika-(31) sa Hijri, ang kanyang edad ay (72) taon, tatlong taon bago maganap ang pagpaslang kay Uthman ibn Affan. 
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Naglalaman ng maraming paliwanag ang Hadith na ito tungkol sa mga taong mapagsumpa, kabilang na rito ang mga sumusunod:
A- Na hindi sila maaaring maging saksi dito sa Mundo; kaya't hindi katanggap-tanggap ang kanilang pagsasaksi dahil sa kanilang kasuwailan.
B- Na hindi sila mabibiyayaan ng pagiging martir sa landas ng Allah.
K- Na hindi sila maaaring mamamagitan sa Araw ng Muling Pagkabuhay kapag mamamagitan na ang mga mananampalataya para sa kanilang mga kapatid at kamag-anak na makakapasok sa Impiyerno.
2. Dala-dala ng Hadith na ito ang matinding babala laban sa sumpa, sapagka't ito ay hindi kabilang sa magagandang asal at pag-uugali.
3. Ang islam ay Relihiyon ng pagmamahalan, pagtutulungan sa kabutihan at pagkatakot sa Allah, at hindi Relihiyon ng pagsumpa at pagmumura.