Si Muhammad, mula sa kanyang pagkabata hanggang sa pagbibinata hanggang sa pagiging propeta hanggang sa kanyang kamatayan, ayon sa mga makatarungan at matatapat na tao, sa buong kasaysayan, ay isang espesyal at may napakataas na antas ng pag-uugali. Siya ay mahabagin, tapat, sinsero, mabait, mapagkumbaba atbp. Katunayan, bawat detalye ng kanyang mga pribado at publikong pananalita ay naitala ng wasto at tumpak, at napanatili hanggang sa ngayon.
Siya ay propeta, sugo, gurong pangrelihiyon, tagapagbago ng lipunan, gabay, pinuno, tapat na kaibigan, mabuting kasama, responsableng asawa at mapagmahal na ama.
Dahil dito, binansagan siya ni Ramakrishna Rao, isang propesor ng Pilosopiya sa Indiya, sa kanyang aklat na ‘Si Muhammad: Ang Propeta ng Islam’ bilang “ang ganap na modelo para sa buhay ng tao”. Nilinaw rin ni Rao na: “ Ang katauhan ni Muhammad, ay napakahirap na alamin ang buong katotohanan nito. Bahagi lamang nito ang aking kayang makuha. Anong gandang pagkakasunod-sunod na mga tagpo. Nariyan si Muhammad, ang mandirigma; si Muhammad, ang negosyante; si Muhammad, ang pinuno; si Muhammad, ang mananalumpati; si Muhammad, ang tagapagbago; si Muhammad, ang kanlungan ng mga ulila; si Muhammad, ang tagapagtanggol ng mga alipin; si Muhammad, ang tagapagpalaya ng mga kababaihan; si Muhammad, ang hukom; si Muhammad, ang santo. Lahat ng mga kahanga-hangang mga gawain na ito, sa lahat ng sangay ng mga gawain ng tao, siya ay isang bayani.”
Sa loob lamang ng maiksing pananhon ng dalawampu’t tatlong taon ng kanyang pagiging propeta, ay nabago niya ng ganap ang kalupaan ng mga Arabo…
- mula sa paganismo at pagsamba ng mga diyus-diyosan tungo sa pagsuko sa iisang Diyos…
- mula sa mga away pang-tribo at digmaan tungo sa pagkakaisa…
- mula sa paglalasing at kahalayan tungo sa pagtitimpi at kabutihan…
- mula sa kawalan ng batas at pamahalaan tungo sa disiplinadong pamumuhay…
- mula sa lubog na moralidad tungo sa pinakamataas na antas ng moralidad.
Wala itong katulad sa kasaysayan ng tao na nagkaroon ng ganap na pagbabago ang isang lipunan o lugar, at iyong guni-gunihin ang mga kamangha-manghang pangyayaring ito sa loob lamang ng mahigit dalawang dekada.