PAGGUNITA PAGKATAPOS NG SALAH
64- Si Aishah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat, kanyang sinabi: [Nakaugalian ng Propeta () na kapag siya ay nakapagsagawa ng Tasleem (sa Salah) ay hindi umuupo maliban sa tagal na halos katumbas ng kanyang sinasambit: “Allaahumma antas Salaam, wa minkas salaam, tabaarakta ya dhal jalaali wal ikram (O Allah! Ikaw ang kapayapaan at sa Iyo nagmumula ang kapayapaan, Ikaw ay tigib ng pagpapala o nag-aangkin ng Kapita-pitagan at Karangalan)”]. Muslim [Hadith bilang: 136-(592)].
Ang nag-ulat nito ay nabanggit na sa ika-16 na Hadith.
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Itinuturo ng Hadith na ito ang pagkalehitimo ng pagtayo ng Imam mula sa kanyang lugar na pinagdasalan pagkatapos niyang maisagawa ang Tasleem, sapagka’t ang naturang Hadith ay pangkalahatan, at ang panglabas nitong kahulugan tunay ngang ang Sugo ng Allah () ay hindi nananatiling nakaupo sa kanyang bahay dasalan na pinagdasalan maliban na kasing tagal lamang ng pagsasabi niya ng: “Allaahumma antas salaam, wa minkas salaam, tabaarakta ya dhal Jalaali wal Ikram” upang mabilis siyang makatayo mula sa kanyang kinauupuan at ng makaalis kaagad, datapuwa’t mayroon sa mga eskolar (Sumakanila nawa ang habag ng Allah) ang nagsabi: Na binibigkas ng Sugo ng Allah () ang Dhikr na ito habang ang kanyang mukha ay nakaharap sa Qiblah bago pa man siya tuluyang humarap sa mga tao, ang Allah ang Siyang higit na nakakaalam.
2. Katotohanang napakaraming Dhikr at panalangin ang napatunayan mula sa Propeta () na bininigkas pagkatapos ng mga ubligadong pagdarasal alinsunod sa iba’t ibang kundisyon at kalagayan, at ang ilan dito ay ang Dhikr na ito: “Allaahumma antas salaam, wa minkas salaam, tabaarakta ya dhal Jalaali wal Ikram”, bagkus mayroon ding tumpak na Hadith ang nagsasaad na ang Sugo ng Allah () ay nagbibigkas ng “Astagfirullah” nang tatlong beses, at pagkatapos ay magsasabi ng “Allaahumma antas salaam, wa minkas salaam, tabaarakta ya dhal Jalaali wal Ikram”. Muslim [Hadith bilang: 135-(591)].
3. “Allaahumma antas salaam”, ang Salam na nabanggit dito ay isa sa mga Pangalan ng Allah na ang ibig sabihin nito: (O Allah! Ikaw ay malaya sa lahat ng mga kapintasan, kasiraan at lahat ng kakulangan, at gayundin ng lahat ng hindi naaangkop sa Iyong Kamahalan. “Wa minkas salaam”, ang kahulugan ng Salam dito ay: O Allah! Ikaw ang nagkakaloob ng kapayapaan, at ang kahulugan ng “Al-Jalal” ay: ang Tigib ng Kadakilaan, samantalang ang kahulugan naman ng “Al-Ikram” ay: Ang Sukdulan sa Kabutihan.