ANG LIMANG HALIGI NG ISLAM

img

Marqoom

Kategorya :

Wika : Filipino

Mga View : 170

Idagdag sa mga paborito : 0

Bilang karagdagan sa anim na haligi ng pananampalataya, ang Islam ay nagtuturo sa atin na ating isagawa ang pananampalatayang ito. Kailangang isagawa ng isang Muslim ang limang haligi na ito ng Islam pati na rin ang lahat ng mga mabubuting gawain bilang pangkahalatan. Narito ang maiksing pagpapaliwanag nito.

1. Shahadah (Pagsasaksi): “Ako’y sumasaksi na walang sinumang Diyos na dapat sambahin maliban kay Allah, at ako’y sumasaksi na si Muhammad ay sugo ni Allah.”

Sa wikang Arabe ay ganito:
”أشهد أن لا إله إلا الله وأشهد أن محمدا رسول الله “

“ASH-HADU ALLA ILAHA ILLALLAH, WA ASH-HADU ANNA MUHAMMADAR RASULULLAH.”
 
Ito ang testimonyang dapat banggitin ng sinumang yayakap sa Islam. Nagpapahiwatig ito ng kagandahan at kapayakan ng Islam.


2. Salah (Pagdarasal):

Pagsasagawa ng limang beses na obligadong salah (ang mga bahagi nito ay pagtayo, pagyuko, pagpapatirapa, pagbabasa sa ilang bahagi ng Qur-an, pagpupuri at paggunita kay Allah at paghingi sa Kanya ng habag, kapatawaran at ang Kanyang Paraiso).

Tungkol sa kagandahan at kabutihan ng pagdarasal, ay dinadagdagan nito ang ating ispiritwal na lakas, kaginhawaan ng pag-iisip, at kapanatagan ng ating kaluluwa, isipan at puso.

Kabilang pa sa kagandahan nito’y ang katotohanan na ang mga isinugo ni Allah tulad nina Adan, Noah, Abraham, Moises, Hesus at Muhammad ay nagdasal at nagpatirapa kay Allah. Ang mga Muslim ay sumusunod sa mga yapak ng mga dakilang isinugo ng Diyos.

Kabilang pa rito’y maraming magagandang bagay tulad ng pagmamahal sa Diyos, pagsuko sa Kanya, pagkakaisa, pagkakapantay-pantay ng tao, katapatan, pagpapakumbaba ang matututunan sa salah (pagdarasal).

Katunayan, ang tapat na ‘dhikr’ (paggunita kay Allah), ‘dua’ (paghingi sa Kanya), ‘istighfar’ (paghingi ng kapatawaran), ‘salah’ (pagdarasal) sa Allah lamang ay mga susi para sa kapanatagan ng isip, katiwasayan at mga pagpapala.

“Silang mga sumampalataya, at sa kanilang mga puso ay nakadarama ng katiwasayan sa paggunita kay Allah. Katotohanan, sa pamamagitan ng paggunita kay Allah magiging matiwasay ang mga puso.” (13:28)

“At ang inyong Panginoon ay nagwika, ‘Dumalangin kayo sa Akin at Aking diringgin.” (40:60)

3. Zakah:
Ang obligadong pagbibigay ng abuloy sa mga mahihirap at nangangailangan. Ang zakah o pagbibigay ng abuloy ay naglilinis sa atin mula sa kadamutan at kasakiman. Nililinis nito ang ating mga ari-arian at pera, at nagtuturo sa atin ng pag-aaruga at pagbibigayan na siyang nagbubuo ng matibay na pagmamahalan at paggalang sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap. Katunayan, ito ay nagbibigay suporta, tulong at kooperasyon sa isang komunidad.




4. Sawm:

Ito ay pag-aayuno o pagpigil sa sarili mula sa pagkain, pag-inom, pakikipagtalik mula sa pagbukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw. Ilan sa mga pakinabang at aral na nakukuha sa pag-aayuno ay:

-Kabutihang Pang-ispiritwal

Pinapaunlad nito ang ‘taqwa’ (takot kay Allah) at ang pagkamatapat. Ang buwan ng Ramadhan ang pinakamainam na panahon para makamit ang pagpapala ng Diyos, kapatawaran, kaligtasan mula sa Impiyerno at makuha ang Paraiso.

-Kabutihang Moral at Emosyonal

Sa buwan ng Ramadhan, matututunan natin at mararanasan natin ang gutom na nararanasan ng milyun-milyong katao sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nagtuturo ito upang tayo’y magbigay, magpakumbaba at maging mabuti.

-Kabutihang Pangkarunungan

Ang pag-aayuno ay nagtuturo sa atin ng maraming bagay. Halimbawa nito’y ang pagbabago o pag-iwas sa mga di-mabuting nakasanayan natin tulad ng labis na pagkain. Tayo rin ay mas nagiging disiplinado at mas nagiging matimpi at mapagpigil. Karagdagan pa’y itinuturo nito na ang mga dating Propeta ng Diyos tulad nina Muhammad, Moises at Hesus ay nagsipag-ayuno din.

-Kabutihang Pangkalusugan

Sa pamamagitan ng pag-aayuno, ang ating katawan ay nakakaiwas mula sa labis na taba. Ang mga manggagamot at mga nutrisyonista ay nagtatagubilin ng pag-aayuno at inilarawan nila ito bilang ‘tagapagsunog ng taba’ at ‘tagapaggagamot’. Ang pag-aayuno rin ay gamot sa ilang mga sakit.

Ilan lamang ito sa mga kabutihan at pakinabang ng pag-aayuno.

5. Hajj

Ito ang pagtungo sa Makkah na kailangang isagawa ng bawat Muslim ng isang beses sa kanyang buhay na siya ay may kakayahang pisikal, mental at pinansyal.

Katulad ng ibang haligi ng Islam, ang ganda, aral at pakinabang na makukuha sa Hajj ay marami din. Milyun-milyong mananampalataya (iba’t ibang lahi, kulay sa iba’t ibang bahagi ng mundo) ang tumutugon sa panawagan ni Abraham. Magagandang alituntunin ang makikita tuwing Hajj, kabilang na rito ang pagsuko at pagsunod kay Allah, kapatiran at pagkakaisa sa Islam, pagtitimpi, pagsasakripisyo, pagdarasal, kawang-gawa at pag-aayuno. Ang Hajj ang siyang pinakamalaki at pinakakatangi-tanging pagtitipon sa kasaysayan ng tao.

Dahil sa dakilang tagpong ito ng iba’t ibang lahi at kulay para lamang paglingkuran ang nag-iisang Diyos at sundin ang iisang mensahe, si Malcolm X at ang iba pa ay natutunan nila ang aral at ganda ng totoong pananampalataya, pagkakaisa at pagkakapantay-pantay, nang sila’y pumunta sa Makkah upang isagawa ang Hajj.

“Pinalawak ng Hajj ang saklaw ng aking isip. Biniyayaan ako nito ng mabuting kaalaman. Sa loob ng dalawang linggo sa Banal na Lupa, nakita ko ang hindi ko kailanman nakita sa Amerika sa loob ng tatlumpu’t siyam na taon. Nakita ko ang iba’t ibang lahi at kulay – mula sa asul ang mata hanggang sa mga maiitim na Aprikano – sa kanilang tunay na kapatiran! May pagkakaisa! Nabubuhay ng iisa! At sumasamba ng iisa!” –Malcolm X

Mga Serbisyo ng AI
Mga Serbisyo ng AI