MAGAGANDANG BERSO MULA SA QUR-AN

img

Marqoom

Kategorya :

Wika : Filipino

Mga View : 171

Idagdag sa mga paborito : 0

Lahat ng berso sa Qur-an ay salita ng Diyos. Halina’t ating basahin ang ilan sa mga kabigha-bighaning berso ng Qur-an na nagpapahayag sa opinyon ng Islam sa ilang mga mahahalagang konsepto.

Kapatawaran at Kaligtasan

“Sabihin: O Aking mga alipin na nagkasala laban sa kanilang mga sarili. Huwag kayong mawalan ng pag-asa sa habag ni Allah. Katotohanang si Allah ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan. Katotohanang Siya ay Labis na Mapagpatawad, ang Pinakamahabagin.” (39:53)

Kapag ang isang tao’y nagsisi at nagbalik-loob kay Allah, si Allah ay handang tumanggap sa Kanyang alipin at Kaniya itong pinapatawad.

Oo, ipinapatawad ni Allah ang lahat ng kasalanan kung tayo’y tapat na magbalik-loob sa Kanya. O anong ganda!

“Katotohanang naiibigan ni Allah ang nagbabalik-loob sa Kanya at ang nagdadalisay sa kanilang mga sarili.” (2:222)

Katiyakan, sa Islam ay si Allah ang pinagmumulan ng kapayapaan, habag at kapatawaran; at hindi dahilan ng galit, pagdanak ng dugo at terorismo.

Kaya naman sa Islam, upang makamtan ang kaligtasan at walang hanggang buhay ay magbalik-loob ka lamang kay Allah, manampalataya sa Kanya lamang at gumawa ng mga mabubuti. Hindi na kailangan pang kumuha ng inosente at mabait na tao para ipako sa krus o di kaya’y paslangin upang sagipin ang kasalanan ng iba. Ipinag-uutos din ng Islam sa kanyang mga tagasunod (mga Muslim) ang pagpapatawad sa iba.

Ito ang maiksing pagpapaliwanag ng magandang konsepto ng kaligtasan at pagpapatawad sa Islam. Katotohanan, ang Islam ay relihiyon ng habag at pagpapatawad.

Katarungan

“O kayong mga nagsisampalataya! Manindigan kayo ng matatag kay Allah at maging makatarungang mga saksi, at huwag hayaan na ang pagkamuhi ng iba ay makagawa sa inyo na umiwas sa katarungan. Maging makatarungan, ito ay higit na malapit sa kabanalan, at matakot kayo kay Allah. Katotohanang si Allah ay nakababatid sa anumang inyong ginagawa.” (5:8)

Tinuturuan tayo ng Islam na maging makatarungan sa lahat ng tao, maging sa ating mga kaibigan at kaaway sa anumang oras, sa oras man ng kapayapaan o digmaan.

Nagtuturo din ito sa kanyang mga tagasunod na maging makatarungan ng walang halong pansariling interes at walang masamang hangarin.

“Katotohanang si Allah ay nag-uutos sa inyo  na inyong ibalik ang pagtitiwala sa kaninuman na nagmamay-ari nito, at kung kayo ay hahatol sa pagitan ng mga tao, ay humatol kayo ng makatarungan.” (4:58)

Bilang makatotohanang paglalahad ng ganda nito, pagpapahalaga, habag at katarungan, nag-uutos ang Islam na ating protektahan itong tinatawag ng mga pantas sa Islam na: Ang Limang Pangangailangan.

Ang Limang Pangangailangan:

Ipinag-uutos ng Islam na protektahan natin  ang mga ito sa ating mga sarili at sa iba:
1. Relihiyon.
2. Kaluluwa.
3. Pag-iisip.
4. Karangalan.
5. Kayamanan (anumang pag-aari).

Ang Qur-an ay nagsasabi na sinuman ang pumatay ng inosenteng kaluluwa ay “parang pinatay niya ang buong sangkatauhan. At kung sinuman ang magligtas ng isang buhay, ay parang iniligtas niya ang buong sangkatauhan.” (5:32)

Bilang pagpapahalaga sa kalayaan at pag-aalaga sa pananampalataya, ang Banal na Qur-an ay nagsasabi:
“Walang pamimilit sa pananampalataya.” (2:256)

Gayunman, pinapahalagahan ng Islam ang karapatan ng bawat tao at hindi nito pinipilit na yakapin ang pananampatayang ito ng sapilitan. Ito ang katotohanan, ganda, katarungan, pagpaparaya at kabutihan ng Islam sa pakikitungo sa mga hindi Muslim.

Kaya naman, kailangan nating maging matapat at makatarungan sa paghusga sa iba. At ating pakatatandaan ang sinabi ni Allah sa Kanyang Banal na Qur-an: “…at huwag hayaan na ang pagkamuhi ng iba ay makagawa sa inyo na umiwas sa katarungan. Maging makatarungan, ito ay higit na malapit sa kabanalan, at matakot kayo kay Allah. Katotohanang si Allah ay nakababatid sa anumang inyong ginagawa.” (5:8)

Kaya tungkol doon sa di-makatarungang pag-aakusa ng mga ilang pinuno ng bansa at relihiyon, manunulat, mangguguhit at midya, sa kanilang pambibintang sa Islam at sa mga Muslim ng terorismo, na kanila ring pinagpipilitan na ang Islam ay lumaganap sa pamamagitan ng pamimilit at espada, at sa ilan ring umaalipusta kay Allah at sa Kanyang huling Propeta na si Muhammad sa pamamaraan ng napakasamang pagguhit, ako’y nagmumuni-muni:

-Ito ba ang ibig sabihin ng malayang pamamahayag at malayang kuro-kuro? Wala bang dobleng huwaran na ginagamit sa pakikitungo sa Islam at mga Muslim? (Halimbawa, bakit hindi kailanman narinig ang katagang ‘Christian terrorists’ o ‘Jewish terrorists’ samantalang hindi maikakaila ang ginawang kasamaan ng ilan sa mga tagasunod ng mga relihiyong ito?

-Malaya ba ang bawat isa na mang-insulto, mang-alipusta ng iba at ng kanilang pananampalataya, o di kaya’y akusahan silang lahat ng terorismo?

-Ganito ba ang sibilisasyon, demokrasya at kalayaan na itinuturo sa mga kabataan sa mga paaralan, unibersidad at sa lipunan bilang pangkalahatan?

-Talaga bang ang espada ng Islam ang dahilan kung bakit yumakap ang libu-libong matatalino’t matatapat na lalake’t babae sa buong mundo sa pananampalatayang Islam sa ngayon? (Maraming aklat, artikulo at website ang tumatalakay kung bakit at paanong sila’y yumakap sa Islam. Isang halimbawa na aking irerekomenda ay: ‘Islam Our Choice: Portraits of Modern American Muslim Women’ – iniwasto nina Debra L. Links at Stephanie Parlove. Ito’y mahahanap sa internet).

Bilang karagdagan, ayon sa mga ulat ng Amerika at Kanluranin, ang Islam ang relihiyon na siyang pinakamabilis dumami ang bilang ng mga mananampalataya nito. 

Pagkakapantay-pantay

“O sangkatauhan! Kayo’y Aming nilikha mula sa isang pares ng lalake at babae, at kayo’y Aming ginawa na maraming bansa at mga tribo upang makilala ninyo ang isa’t isa. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa paningin ni Allah ay ang pinakamabuti sa inyo. Katotohanang si Allah ay ganap ang Kanyang kaalaman at lubos na nakababatid ng lahat.” (49:13)

Sinabi rin ni Propeta Muhammad sa kanyang huling sermon:
“O mga tao, ang inyong Diyos ay iisa at ang inyong ama ay iisa. Kayong lahat ay mula kay Adan at si Adan ay mula sa alikabok. Ang isang Arabo ay hindi nakakahigit sa isang hindi Arabo, at ang isang hindi Arabo ay hindi rin nakahihigit sa isang Arabo. Walang kahigitan ang puti sa itim, ganundin ang itim sa puti. Lahat kayo ay pantay-pantay. Walang kahigitan ang isa sa bawat isa maliban lamang sa kanyang takot kay Allah at paggawa ng kabutihan.”

Ang Islam ay nagtuturo na huwag nating maliitin ang iba dahil sa kanilang lahi, kulay ng balat o mata, o bansang kinabibilangan.

Ang Islam ang siyang tunay na gamot sa problemang panlahi at diskriminasyon na nasasaksihan ngayon ng mundo.

Sa Islam, ang mga itim at ang mga puti ay magkakapatid sa iisang lahi ng tao. Silang lahat ay nagmula sa iisang ama, si Adan, na nilikha mula sa alikabok. Kaya tayong lahat ay mula sa lupa, at tayo ay babalik doon at magiging lupa.

Ito ang mahalagang aral na makukuha natin mula sa nabanggit sa kabilang pahina na mula sa Qur-an at pananalita ng Propeta. At ito rin ang aral na natutunan ni Malcolm X nang pumunta siya sa Makkah upang magsagawa ng Hajj.  Bakit kaya may mga taong nakakaramdam at gumagawa ng pagmamataas o maling pagmamalaki sa iba?

Lawak at Kaisahan ng Mensahe

“Sabihin: Kami ay sumasampalataya kay Allah, at sa kapahayagan na ipinagkaloob sa amin, at (sa mga ipinahayag) kay Abraham, Ismail, Isaac, Hakob at sa (labingdalawang) Tribo, at sa mga ipinahayag kay Moises, Hesus at sa mga ipinahayag sa lahat ng mga Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagtatakda sa kanila ng pagtatangi-tangi at kay Allah lamang kami ay tumatalima.” (2:136)

Minamahal at pinaniniwalaan ng mga Muslim ang lahat ng mga Propeta ng Diyos kasama sina Adan, Noah, Abraham, Ismail, Isaac, Hakob, Moises, Hesus at Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan at pagpapala ni Allah).

Sinabi ni Propeta Muhammad: “Ako ang pinakamalapit sa lahat ng tao kay Hesus, ang anak ni Maria. Sapagkat walang propeta sa pagitan ko at siya (Hesus). Ang mga Propeta ay magkakapatid; ang kanilang mga ina ay magkakaiba, subalit ang kanilang relihiyon ay iisa.”

Ano itong pangkalahatan at nag-iisang tunay na relihiyon ng lahat ng mga Propeta ng Diyos?

ILAN PANG MGA MAGAGANDANG BERSO NA DAPAT PAGMUNI-MUNIHAN

Ang ganda, tamis at kadalisayan ng Banal na Qur-an ay walang hanggan; kaya’t hayaan ninyo akong bumanggit ng ilan sa mga berso ng Qur-an ng walang pagpapaliwanag. Nais kong ito’y inyong pag-isipan at suriin. Subukan ninyong tumuklas pa ng mga yaman ng Pinakahuling Testamento, ang Qur-an.

Si Allah at ang Kanyang Sugo

“Siya (Allah) ang nagpadala ng Kanyang Sugo (Muhammad) ng may patnubay at pananampalataya ng katotohanan…” (48:28)

“Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyo, datapwa’t siya ay Sugo ni Allah at selyo (panghuli) ng lahat ng mga Propeta. At si Allah ay may ganap na kaalaman sa lahat ng bagay.” (33:40)

Katiwasayan at Paraiso

“Siya (Allah) ang naghatid ng katahimikan (at kapanatagan) sa puso ng mga mananampalataya upang mapag-ibayo nila ang kanilang pananalig, na kaalinsabay ng kanilang pananalig (sa ngayon)… Upang Kanyang tanggapin ang mga mananampalatayang lalake at mga mananampalatayang babae sa halamanan na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy, upang manahan dito ng walang hanggang kasiyahan. At Kanyang pawiin sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ito sa paningin ni Allah ay isang dakilang tagumpay.” (48:4-5)
“O mapayapang kaluluwa, magbalik ka sa iyong Panginoon na nalulugod at kinalulugdan. At pumasok ka sa lipon ng Aking mga mararangal na alipin. At pumasok ka sa Aking Paraiso.” (89:27-30)

Ang mga Kalalakihan at mga Kababaihan (sa Islam)

“Katiyakan, ang mga Muslim na lalake at mga Muslim na babae, ang mga mananampalatayang lalake at mga mananampalatayang babae, ang mga masunuring lalake at mga masunuring babae, ang mga matatapat na lalake at mga matatapat na babae, ang mga mapagtimping lalake at mga mapagtimping babae, ang mga mapagpakumbabang lalake at mga mapagpakumbabang babae, ang mga mapagkawang-gawang lalake at mga mapagkawang-gawang babae, ang mga mapag-ayunong lalake at mga mapag-ayunong babae,ang mga mapag-alagang lalake sa kanilang maselang bahagi ng katawan at mga mapag-alagang babae (sa kanilang maselang bahagi ng katawan), at ang mga lalaking laging gumugunita kay Allah at mga babae (laging gumugunita kay Allah); ay inihanda sa kanila ni Allah ang kapatawaran at malaking gantimpala.” (33:35)

“At sinuman ang gumawa ng kabutihan, maging siya ay lalake o babae, at siya’y mananampalataya, sila yaong papasok sa Paraiso…” (4:124)

Mga Kabigha-bighaning Katuruan

“At magmadali tungo sa kapatawaran ni Allah, at sa Paraiso na kasinglawak ng mga kalangitan at ng kalupaan na inihanda para sa mga mabubuti. Silang mga gumugugol (kawanggawa) sa kasaganaan man o kahirapan, at nagtitimpi ng galit at nagpapatawad sa mga tao. Katotohanang minamahal ni Allah ang mga gumagawa ng mga mabubuti. At sila na kapag nakagawa ng kasalanan o nagawan ng pinsala ang kanilang sarili, ay kanilang gugunitain si Allah at hihingi ng kapatawaran para sa kanilang mga kasalanan. –At sino pa ba ang magpapatawad ng mga kasalanan maliban kay Allah?– At hindi sila nagpupumilit na ipagpatuloy ang kamalian na kanilang nagawa na ito’y kanilang nalalaman. Sila yaong ang kanilang gantimpala’y kapatawaran mula sa kanilang Panginoon, at mga halamanan na sa ilalim nito’y may mga ilog na nagsisidaloy, sila ay mananatili doon magpakailanman. Anong inam ng gantimpala ng mga gumagawa ng mabubuti.” (3:133-136)

Mga Dapat at Di-dapat Gawin

“Huwag kayong sumamba maliban lamang kay Allah, at maging mabuti sa inyong mga magulang, sa mga kamag-anak, sa mga ulila at sa mga mahihirap, at kayo ay mangusap sa mga tao ng mabuti.” (2:83)

Pag-alala at Pagpapahinga

“Silang mga sumampalataya, at sa kanilang mga puso ay nakadarama ng katiwasayan sa paggunita kay Allah. Katotohanan, sa pamamagitan ng paggunita kay Allah magiging matiwasay ang mga puso.” (13:28)

Bilang pagbubuod sa bahaging ito, maniwala kayo sa akin na ang katotohanan, ganda, at mga kamangha-mangha sa Qur-an ay walang katapusan. Habang lalo natin itong nababasa ay lalong dumarami ang ating natutuklasan dito, at lalo nating nararamdaman na parang unang beses pa lang natin itong nabasa.

Ang mga aspeto nito na pagiging kapani-paniwala, kamangha-manghang daloy ng mga salita, pang-agham, panggagamot, at mga kaakit-akit na kalikasan ng Qur-an at iba pang kawili-wili sa Qur-an ay hindi ko na naisulat pa rito dahil sa limitadong espasyo ng aklat na ito.

Mga Serbisyo ng AI
Mga Serbisyo ng AI