SI PROPETA MUHAMMAD AYON SA MGA KASULATAN NG MUNDO

img

Marqoom

Kategorya :

Wika : Filipino

Mga View : 77

Idagdag sa mga paborito : 0

Dahil hindi ang pinakapaksa ng aklat na ito ay ilahad ang lahat ng mga propesiya sa ibang mga kasulatan ng ibang mga relihiyon tungkol sa pagdating ni Propeta Muhammad, aking babanggitin ang itinala ng mga pantas sa Islam tulad ng sa mga kasulatan ng Parsi, Hindu, Budismo, Hudaismo at Kristiyanismo.

Tunay na ang pagkakaroon ni Muhammad sa ibang mga kasulatan ay isang napakainteresadong paksa na talaga namang pinag-usapan sa iba’t ibang mga aklat at mga artikulo, at ganun din sa internet. (Bilang karagdagang impormasyon sa paksang ito, maaari ninyong bisitahin ang website ni Dr. Zakir Naik na www.irf.net o di kaya’y hanapin sa internet at isulat itong mga kataga: Prophet Muhammad, Muhammad in the Hindu scriptures, Muhammad in the Bible atbp.).

Kabilang sa mga aklat na ito, halimbawa, ay isinulat ni A. H. Vidyarthi at U. Ali ang aklat na pinamagatang ‘Muhammad in Parsi, Hindu, and Buddhist Scriptures’.
Sa aklat ni Prof. Abdul Ahad Dawud (dating Christian Reverend David Benjamin) na ‘Muhammad in the Bible’, nagkomento siya sa binanggit sa Bibliya na pagdating ng propeta na kung saan ”katulad mo, Moises” sa pagsasabing: “Mababasa natin ang mga sumusunod na salita sa Deutronomy 18:18 na nagsasabing: “Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya.” Kung hindi si Muhammad ang tinutukoy dito , ang salitang ito ay nananatiling hindi pa natutupad. Kailanaman si Hesus ay hindi niya inangkin na siya ang tinutukoy na propeta dito… si Hesus, ayon sa paniniwala ng Simbahan, ay lalabas bilang tagahatol at hindi bilang tagapaghatid ng batas, subalit ang pinangakuan ay darating na may ‘apoy na batas’ sa ‘kanyang kanang kamay’.”

Ipinahayag ng mga pantas na Muslim na ang propesiyang ito ay walang ibang pinagbabagayan kundi si Muhammad. Si Moises at si Muhammad ay maraming pagkakahawig sa maraming bagay – parehas ang letrang simula ng kanilang mga pangalan. Sila rin ay magkatulad sa natural na pagkapanganak, pagpapakasal, misyon at natural na pagkamatay. Silang dalawa’y parehas na propeta, mambabatas at pinuno. Bawat isa rin ay nagdala ng “apoy na batas”. Sa kabilang banda, si Hesus at si Moises ay magkaiba sa maraming bagay. Si Hesus ay kinilala ng kanyang mga tagasunod na diyos o anak ng diyos. Ang kanyang kapanganakan, misyon, at kamatayan ay hindi tulad kay Moises. Si Hesus ay hindi nakapag-asawa, at hindi rin namuno sa kanyang bayan, o nakipaglaban sa mga digmaan tulad ni Moises.

Karapat-dapat ding banggitin na ang “isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid“ ay tumutukoy sa isang propeta na mula sa mga kapatid ng mga Israelites, ang Ismaelites.

Sa Bagong Testamento ng Bibliya, hinulaan rin ni Hesus ang pagdating ng isang Tagapayo. Sinabi ni Hesus: “at bibigyan Niya kayo ng ibang Tagapayo” (Juan 14:16).

Bilang karagdagan, sinabi ni Hesus: “Gayunman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Makakabuti sa inyo na ako ay umalis sapagkat kung hindi ako aalis, ang Tagapayo ay hindi darating sa inyo. Kapag ako ay umalis, susuguin ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kaniyang susumbatan ang sangkatauhan patungkol sa kasalanan, sa katuwiran at sa kahatulan… Marami pa akong sasabihing mga bagay sa inyo ngunit hindi ninyo ito matatanggap sa ngayon. Gayunman, sa pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanan. Ito ay sapagkat hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Kung ano ang kaniyang maririnig, iyon ang kaniyang sasabihin. Ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. Luluwalhatiin niya ako…” (Juan 16:7-14)

Kung ganun, sino itong “ibang Tagapayo” na darating pagkatapos ni Hesus?

Katunayan ay tiniyak ng mga pantas na Muslim na tanging si Muhammad lamang ang kumpletong nakatupad ng hula na ito ni Hesus sa maraming dahilan. Ang ilan dito’y:

- Sinabi ni Hesus: “at bibigyan Niya kayo ng ibang Tagapayo” (Juan 14:16). Sinabi ng mga pantas na Muslim na ang orihinal nitong wika ’Periklytos’ sa Griyego, ay nangangahulugan na ’ang pinuri’ na tumutukoy kay Muhammad.

- Ang pagkakasabi ni Hesus na “ibang Tagapayo“ ay hindi maaaring tumukoy sa Espiritu Santo dahil ang Espiritu Santo (bahagi ng Trinidad – Diyos Ama, Diyos Anak, Diyos Espiritu Santo – ayon sa mga Kristiyanong naniniwala rito) ay naroon bago pa man at sa panahon ng misyon ni Hesus, ayon sa Bibliya, subalit ang Tagapayo ay parating pa lamang.

- Si Muhammad ay nagbigay babala sa mga tao tungkol sa kasalanan at inutusan silang gumawa ng kabutihan. Siya rin ay pinuno at tagapaghatol na may ’batas’ sa ’kanyang kanang kamay’.

- Ginabayan ni Muhammad ang mga tao tungo sa ganap na katotohanan sa nag-iisang tunay na Diyos, sa katotohanan tungkol sa layunin ng buhay, sa katotohanan tungkol sa Huling Araw at buhay na walang hanggan at sa marami pang bagay.

- Si Muhammad ay nagpakita rin ng maraming mga himala na ibinigay sa kanya ng Siyang nagpadala sa kanya, si Allah.

- Si Muhammad ay isang propeta na “hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Kung ano ang kaniyang maririnig, iyon ang kaniyang sasabihin.” Siya ang instrumento para sa ipinahayag na Salita ng Diyos, ang Qur-an. At sa ngalan ni Allah, ay binibigkas ni Muhammad ang Salita ng Diyos. Binanggit sa Bibliya na “kaniyang sasalitain sa Aking pangalan...“ (Deutronomy 18:19). Katunayan, ang mga kabanata ng Qur-an ay inuumpisahan ng “Sa ngalan ni Allah“.

- Si Muhammad at ang Banal na Qur-an ay pumuri kay Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan). At bilang parangal sa kanya, ay naiibigan ng mga Muslim na pangalanan ang kanilang mga anak ng Eisa (wikang Arabe ng Hesus).

Bilang karagdagan, nang tanungin ng mga Hudyo si Juan Bautista kung sino siya, itinanggi niya na siya si Kristo o si Elias o ang Propetang yaon.  “Sino ka? Siya ay nagtapat at hindi nagkaila. Kaniyang ipinagtapat: Hindi ako ang Mesiyas. Tinanong nila siya: Sino ka ba talaga? Ikaw ba si Elias? Sinabi niya: Hindi ako. Ikaw ba ang Propeta? Siya ay sumagot: Hindi.” (Juan 1:19-21)

Muli, ikinakatwiran ng mga pantas na Muslim na si Muhammad ang tinutukoy sa tekstong ito ng Bibliya: “Ikaw ba ang Propetang yaon? Siya ay sumagot: Hindi.” Kung ganun, sino yaong Propeta? Maliwanag na ang “Propetang yaon” ay hindi si Juan Bautista o di kaya’y si HesuKristo, na pinatunayan mismo ni Juan.

Samakatuwid, ang isang matalino at tapat na mananaliksik ng katotohanan ay magtatanong ng may layunin:

- Sino ang Propetang yaon?
- Sino ang totoong Propeta na darating pagkatapos ni Juan at Hesus na magpapatuloy sa kanilang orihinal na mensahe tungkol sa pagsamba sa iisang Diyos?

Siya si Muhammad!

Mga Serbisyo ng AI
Mga Serbisyo ng AI