KABAWALAN NG PANG-AAPI NG ISANG MUSLIM SA KAPWA MUSLIM
74- Si Abdullah ibn Umar (Sumakanila nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat: Katotohanan, ang Sugo ng Allah () ay nagsabi: “Ang isang Muslim ay kapatid ng isang Muslim, hindi niya ito inaapi at hindi niya rin ito pinababayaan, kaya ang sinumang nagpahalaga sa pangangailangan ng kanyang kapatid, ang Allah ay magpapahalaga rin sa kanyang pangangailangan”.
Al-Bukhari [Hadith Bilang: (6951)] Muslim [Hadith Bilang: 58 – (2580)].
Ang taga-ulat ng Hadith na ito’y nabanggit na sa Hadith na ika-(22):
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Itinuturo ng Hadith na ito na ang pang-aapi ng isang Muslim sa kapwa niyang Muslim ay ipinagbabawal, at gayundin na ipinagbabawal sa isang Muslim ang pagtalikod niya sa kapatid niyang Muslim habang inaalipusta ito ng ibang tao o napipinsala ng anuman, bagkus kailangan niyang ipagtanggol ito at tulungan sa lahat ng nakakapinsala sa kanya.
2. Isinasalaysay ng Hadith na ito kung paano punuan ang pangangailangan ng mga tao sa abot kaya; kaya kapag ang isang tao ay nangangailangan ng makakapagpawi sa kanyang dinadalang suliranin o makakapuno sa kanyang pangunahing pangangailangan; sa gayon tungkulin ng mga Muslim na tulungan siya upang mapunuan ang kanyang pangunahing pangangailangan.
3. Nauunawaan sa Hadith na ito na ang pagbibigay kasiyahan sa puso ng mga Muslim ay naiibigan ng Allah, at Kanyang kinasusuklaman ang pagbibigay ng kalungkutan sa kanila, kaya ang dapat sa mga Muslim ay maging masigasig sa pagbibigay kasiyahan sa kanila at umiwas sa pagbigay sa kanila ng anumang nakalulungkot sa kanila.