PAGSASATUNGKULIN NG LAYUNIN SA UBLIGADONG PAG-AAYUNO
64- Si Hafsah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah), asawa ng Propeta () ay nag-ulat: Ang Propeta () ay nagsabi: “Ang sinumang hindi niya naitakda ang layunin sa pag-aayuno bago ang pagsapit ng (Salah sa) Fajr, siya ay walang pag-aayuno”.
At-Tirmidhi [Hadith Bilang: (730)] Abu Daud [Hadith Bilang: (2454)] An-Nasai [Hadith Bilang: (2334)].
Ang taga-ulat ng Hadith na ito:
Siya ang isa sa tinaguriang Ummul Mu’mineen (ina ng mga mananampalataya) na si Hafsah, anak na babae ng Ameerul Mu’mineen na si Umar ibn Al-Khattab, siya ay ipinanganak bago ang pagkahirang ni Muhammad bilang Propeta ng limang taon, siya ay naging mabuting asawa ni Khunais ibn Huzafah Al-Sahamie Al-Badrie na kasamang lumikas patungong Ethiopia, pagkaraan ay tumungo sa Madinah kasama si Hafsah, siya (si Khunais) ay lumahok sa pakikipaglaban sa labanan sa Badr at Uhud, datapuwa’t siya ay nagtamo ng matinding sugat na siyang naging dahilan ng kanyang pagkamatay, at naiwanan niya ang kanyang asawa na si Hafsah bint Umar sa edad niyang dalawampung taon, kaya labis na nasaktan si Umar ibn Al-Khattab sa kanyang anak na babae na batang-bata, at sadyang nagpahirap sa kanya na makita ang mga tanda ng pagkabalo na papatay nang pataksil sa kanyang kabataan, at nagsimula siyang makaramdam ng pagkaliit sa kanyang sarili sa tuwing nakikita niya ang kanyang anak na batang-bata, habang nagdurusa sa pagkakabalo, samantalang siya’y lumalasap noon ng karangyaan sa piling ng kanyang asawa, kaya pagkatapos ng kanyang takdang palugit naging palaisipan kay Umar ibn Al-Khattab ang tungkol sa kanyang kalagayan, pagkaraan ay namanhikan sa kanya ang Propeta (); at pinaasawa sa kanya ni Umar ang kanyang anak na babae na si Hafsah, kaya natamo niya ang karangalan ng pagkakaugnay sa Propeta () sa taong ika-(3) sa Hijri, at mayroon siyang naiulat na (60) Hadith sa mga aklat ng Sunnah.
At ang pinakamalaki sa mga kagalingan ni Hafsah ay ang pagkapili sa kanya bilang tagapag-alaga ng unang kopya ng Qur’an na tinipon ni Abu Bakr As-Siddiq mula sa mga kamay ng mga tao pagkaraan ng pagkamatay ng maraming mambabasa, at sa kadahilang si Hafsah ay isang babaing manunulat; siya ang naitalaga na tagabantay ng Banal na Qur’an, at nanatili sa kanya ang unang kopya ng Qur’an hanggang sa pamumuno ni Uthman ibn Affan; at pagkatapos ay hiningi sa kanya ni Uthman ang Qur’an upang ipalimbag sa lahat ng sulok sa iisang paraan na pagbasa, at pagkaraan ay ibinalik din sa kanya, at nanatili ito sa kanya hanggang sa siya ay bawian ng Allah ng buhay matapos na maihabilin ito sa kanyang kapatid na isang makadiyos at banal na si Abdullah.
Nakaugalian din ng isa sa mga tinaguriang ina ng mga mananampalataya na si Hafsah na isabuhay ang kanyang gabi sa pag-aalay ng pagsamba, pagbasa ng Qur’an at paggunita sa Allah, hanggang sa siya ay binawian ng buhay sa taong ika-(41) sa Hijri, datapuwa’t may nagsasabi na siya ay yumao sa taong ika-(45) sa Hijri sa Madinah, at si Marwan, ang tagahukom ng Madinah ang siyang nakapagsagawa sa kanya ng Salaatul Janazah (dasal sa patay).
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Kapag ang pag-aayuno ay ubligado, gaya ng pag-aayuno sa Ramadan o pagbabayad, panata at bayad sala, sa gayon kailangang itakda ng isang Muslim ang layunin sa pag-aayuno sa gabi, at ito ay isinasapuso at hindi binibigkas, sapagka’t ang pagbigkas nito ay hindi lehitimo.
2. Itinuturo ng Hadith na ito na ang ubligadong pag-aayuno ay nangangailangan ng pagtatakda sa layunin sa lahat ng bahagi ng maghapon, na kung saan ay hindi masasabi na ang isang tao ay nag-aayuno ng walang layuning naitakda sa gabi bago ang kabuuan ng maghapon, samantalang sa kusang loob na pag-aayuno ay maaaring itakda ang layunin maging ito ay sa isang bahagi ng umaga sa kondisyong hindi siya makakain ng mga nakasisira nito simula sa madaling araw.