ANG MGA KABUTIHAN NG RAMADAN
63- Si Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat, kanyang sinasabi: Ang Sugo ng Allah () ay nagsabi: “Kapag sumapit na ang Ramadan ay binubuksan ang mga pintuan ng Paraiso, isinasara ang mga pintuan ng Impiyerno at ikinakadena ang mga demunyo”.
Al-Bukhari [Hadith Bilang: (3277)] Muslim [Hadith Bilang: 1 – (1079)].
Ang taga-ulat ng Hadith na ito’y nabanggit na sa Hadith na ika-(13):
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Kabilang sa kadakilaan ng buwan ng Ramadan ay ang pagbubukas sa mga pintuan ng Paraiso at pagsasara sa mga pintuan ng Impiyerno, kaya dapat lamang sa nais makapasok sa Paraiso at makaligtas sa pagpasok sa Impiyerno na salubungin ito ng mabuting gawain ng buong kasiglahan, kaliksihan at katapatan.
2. Ang pagkakakadena sa mga demunyo ay totoo, at hindi ibig sabihin na ang pagkakakadena sa lahat ng mga demunyo ay wala nang magaganap na masama at kasuwailan, sapagka’t ito’y may mga kadahilanan maliban sa mga demunyo, gaya ng likas na kasamaan ng sarili, ng mga di-magagandang kaugalian at mga demunyong tao.
3. Ang pagbubukas sa mga pintuan ng Paraiso, pagsasara sa mga pintuan ng Impiyerno at ang pagkakadena sa mga demunyo ay isang tanda upang dakilain ang kabanalan ng pinagpalang buwan ng Ramadan, at ang pagkakadena sa mga demunyo ay tunay na nagaganap upang pigilin sila sa pamiminsala sa mga mananampalataya at sa pagdulot ng tukso at pagkakasalungatan sa isa’t isa.