ANG KANYANG KAPANGANAKAN

img

Marqoom

Kategorya :

Wika : Filipino

Mga View : 158

Idagdag sa mga paborito : 0

Isinilang si Propeta Muhammad sa Makkah noong taong 570 A.D. – Ang taong yaon ay tinaguriang “Taon ng Elepante”.

Bago pa man siya isinilang, ang kanyang ama na si Abdullah ibn Abdul-Muttalib mula sa tribu ng Quraysh sa Makkah ay namatay habang siya ay pabalik sa pangangalakal mula sa Syria patungo ng Makkah.  Sakbibi ng lungkot ang kanyang ina na si Aminah bint Wahb bin Abdu-Manaf, na taga Madinah, sa maagang pagkamatay ng kanyang asawa na ama ng kanyang isinilang na sanggol.  Tanging ang Allah(U) lamang ang nakababatid na ang ulilang sanggol na ito ay magiging isang bantog na Propeta at Sugo sa sangkatauhan.

BAKIT TAON NG ELEPANTE?

May isang nagngangalang Abrahah mula sa Abyssinia – isang bansa sa Afrika, ang sumakop sa bansang Yemen at siya ang naging tagapamahala roon.

Kanyang napansin na minsan sa bawa’t taon maraming tao sa kanyang nasasakupan at maging mula sa ibang panig ng Arabia ang nagtutungo sa Makkah upang dalawin ang Ka’bah, ang unang bahay dalanginang itinayo ni Abraham at ng kanyang anak na si Ismael.  Hindi niya matanggap na higit na mahalaga ang Makkah kaysa sa sarili niyang bansang nasasakupan.

Nagtayo si Abrahah ng isang malaking simbahang gawa sa marmol sa kanyang lugar sa Yemen.  Ang pinto nito ay ginto at ang mga palamuti ay pilak.  Kanyang ipinag-utos sa mga tao na dito na lamang idaos ang kanilang paglalakbay o ang pilgrimahe sa simbahang kanyang itinayo subali’t walang sinumang sumunod sa kanya.

Sa kanyang matinding galit, nagdala siya ng malaking hukbo ng sundalo na sakay ng mga elepante upang wasakin ang Ka’bah.

Nguni’t nang sila ay papalapit na sa Ka’bah, ang mga elepanteng sinasakyan nila ay nagsiluhod at tumangging tumayo sa kabila ng matinding hagupit na ipinamalas sa kanila ng mga mandirigma.

Pagkaraa'y, biglang dumating ang kawan ng mga ibon na may dalang mga hinurnong putik at ito’y ipinukol sa kanila na naging sanhi ng pagkamatay ng marami sa kanila.  Dahil sa kanilang matinding takot, ang ilan sa kanila ay nagsitakbo pabalik ng Yemen.  At doon si Abhara ay inabutan ng kamatayan.

Sa taon ding yaon – 570 A.D., si Propeta Muhammad ay isinilang.