ANG KANYANG KABATAAN

img

Marqoom

Kategorya :

Wika : Filipino

Mga View : 179

Idagdag sa mga paborito : 0

Katulad ng kinaugalian ng mga taga-Makkah, nagpasiya si Aminah na ipadala  ang kanyang anak sa labas ng lungsod ng Makkah upang doon alagaan para sa ikauunlad ng kanyang kalusugan.  Inalagaan siya ng isang babaing Bedouin (naninirahan sa disyerto) na nagngangalang Halimah Al-Sa’diyyah.

Naging maayos ang pamumuhay ni Halimah at maging ang kanyang pamilya simula nang alagaan niya ang batang si Muhammad.  Bagaman ninais niyang manatili pa sa kanila ang bata, ibinalik siya sa kanyang ina na si Aminah makalipas ang tatlong taon.  Ibinalik si Muhammad na isang malusog at malakas na bata.

Lumipas ang tatlong taon, nagpasiya si Aminah na dalhin ang kanyang anak sa Yathrib na ngayon ay Al-Madinah upang dalawin ang kanyang amain.  Nanatili sila doon ng isang buwan at muling nagpasiya ang kanyang ina na bumalik sila sa Makkah.

Nguni’t habang sila’y naglalakbay, nagkaroon ng matinding karamdaman ang kanyang ina na siyang naging sanhi ng kanyang kamatayan.  Inilibing siya sa Al-Abwa na hindi kalayuan sa Yathrib.  Lubusang naulila si Muhammad  sa gulang na anim na taon.

Ibinalik si Muhammad sa Makkah ng katulong ng kanyang ina, at ibinigay siya sa kanyang lolo na si Abdul Muthalib.  Subali’t paglipas ng dalawang taon, nagkasakit din ang kanyang lolo at namatay.  Ang kanyang tiyuhin na si Abu Thalib naman ang nagpatuloy sa pag-aalaga sa kanya.

Dumating ang panahon na ang tribu ng Quraysh ay naghanda ng kanilang karaban patungong Syria upang mangalakal.  Sumama sa pangkat ng mga naglakbay ang kanyang tiyuhin na si Abu Thalib at isinama rin niya ang batang si Muhammad.

Habang papalapit na sila sa Syria, may isang monghe (monk) na nagngangalang Bahira ang namangha sa pagkakita niya ng kaisa-isang makapal at maputing ulap sa kalawakan na nagbigay lilim sa isa sa mga manlalakbay.

Lalong naging kagila-gilalas kay Bahira nang makita niyang nawawala ang ulap nang sumilong ang mga manlalakbay na ito sa puno ng kahoy upang mamahinga.

Sa pagkakataong yaon, inanyayahan ng monghe ang mga manlalakbay sa isang tanghalian. Gayon na lamang ang pagtataka ng mga manlalakbay dahil ito ang kauna-unahang pagkakataong  inanyayahan sila ng monghe na parati nilang dinaraanan patungong Syria.  Nagtanong ang monghe kung wala silang kasamang naiwan sa labas.  Sinabi nilang naiwan ang isang bata upang magbantay sa kanilang mga kamelyo.  Iginiit ng monghe na papasukin din ang bata.

Nang matapos ang tanghalian, kinausap ng monghe ang batang si Muhammad at tinanong kung ano ang kanyang masasabi tungkol sa maraming idolo at rebulto na nasa loob ng Ka’bah sa Makkah.  Si Muhammad ay sumagot: “Walang kasuklam-suklam sa mundong ito maliban sa mga rebulto na nasa loob ng Ka’bah.”

Ang kanilang pag-uusap ay nagbigay katiyakan sa monghe na hihiranging Propeta si Muhammad at  siya ang susunod na Propeta pagkaraan ni Propeta Hesus.

Tinanong ng monghe ang mga manlalakbay kung kaninong anak si Muhammad.  Sumagot si Abu Thalib na si Muhammad ay kanyang anak.  Subali’t sinabi ng monghe na hindi siya maaaring maging anak ni Abu Thalib sapagka’t ayon sa propesiya o pahayag na kanyang nabasa at napag-aralan sa mga banal na kapahayagan, isisilang si Muhammad na isang ulila sa ama.

Nagkaroon ng katuparan ang tinuran ng monghe tungkol kay Muhammad na ating tatalakayin sa mga sumusunod na pahina.

Ang isa sa mga pangyayari sa panahon ng kabataan ni Muhammad ay noong anyayahan siya ng ibang mga bata sa isang kasalan sa Makkah na kung saan mayroong tugtugan at sayawan.  Subali’t nang makarating sila sa lugar na yaon, bigla na lamang siyang nakaramdam ng matinding pagod at pagkaantok at siya'y umupo sa labas at nakatulog.  Hindi na niya nasaksihan ang nasabing sayawan at iba pang pangyayari.  Isang palatandaan ito na siya ay pinangalagaan ng Allah(U) upang ilayo sa mga di-kanais-nais na kaugalian sa kanilang pook.