ANG KAMATAYAN NG PROPETA

img

Marqoom

Kategorya :

Wika : Filipino

Mga View : 167

Idagdag sa mga paborito : 0

Namatay si Propeta Muhammad sa Madinah sa gulang na animnapu’t tatlo (63).  Sa katunayan, bago siya namatay, nagtungo siya sa libingan kasama ang kanyang katulong na si Abdullah at kanyang ipinagdasal ang mga namatay na Muslim.

Pagkatapos ng kanyang panalangin, sinabi niya kay Abdullah na siya (ang Propeta) ay maaaring pumili sa alin man sa dalawa:

Kayamanan sa mundo, o mahabang buhay at Paraiso, o ang makita na ngayon ang Panginoon at pumasok na sa Paraiso.

Si Abdullah ay nagsabi sa kanya na dapat piliin niya ang mahabang buhay, kayamanan at ang Paraiso. Nguni’t sinabi ng Propeta kay Abdullah na pinili na niya na makita ang kanyang Rabb (Panginoon) kaysa sa mga makamundong bagay.

Isang araw, nang magising ang Propeta sa matinding karamdaman, nagampanan pa rin niyang mamuno sa pagdarasal sa Masjid.

Nang maging malubha ang kanyang karamdaman, ipinakiusap niya na ilipat siya sa silid-tulugan ni Aisha, isa sa kanyang mga asawa, na karugtong lamang ng Masjid.

Nagpatuloy ang paglubha ng kanyang karamdaman hanggang sa hindi na niya magawang magtungo sa Masjid.  Kanyang sinabi kay Aisha na sabihin sa mga Muslim at sa ama nitong si Abu Bakar na siya ang mamumuno sa pagdarasal.  Ipinarating ito ni Aisha at naging malungkot ang mga Muslim, sa dahilang ito ang kauna-unahang pagkakataong hindi na ang Propeta ang mamumuno sa kanilang pagdarasal.

Narinig ng Propeta ang tinig ng mga nagdarasal at sinikap niyang sumilip sa pintuan ng Masjid at kanyang pinagmasdan ang mga Muslim habang sila’y nagdarasal.  Natuwa siya sa kanyang napagmasdan na siyang nagbigay ng kaunting lakas sa kanya upang makarating sa Masjid. Napansin ni Abu Bakar na naroroon ang Propeta kaya’t humakbang siya nang paurong upang bigyang puwang ang Propeta na mamuno sa pagdarasal.  Nguni’t nagbigay hudyat ang Propeta na ipagpatuloy na lamang nila ang kanilang pagdarasal.

Sa huling mga sandali ng kanyang buhay, nakaupong nagdarasal ang Propeta na kasama nila.  Pagkatapos ng pagdarasal, nakiusap siyang tulungang makabalik sa silid-tulugan at humiga siya sa kandungan ni Aisha.

Lalong naging matindi ang sakit na kanyang nararamdaman hanggang sa napaiyak ang kanyang anak na si  Fatimah dahil sa awa sa kanya.  Subali't sinabi niya sa kanyang anak na huwag malungkot at mabahala.  Sinabi pa niya na: Walang hapdi o sakit na nararamdaman ang iyong ama at katotohanan na ang kamatayan ay darating sa lahat. Tayong lahat ay makararanas ng hirap hanggang sa Araw ng Paghuhukom.

At kapagdaka’y namayapa ang Propeta. Nang mabalitaan ng mga tao ang pagkamatay ng Propeta halos hindi makapaniwala ang lahat.  Maging si Omar ibn Al Khattab, isa sa mga kalaban ng Islam bago naging isang masugid na tagasunod ng Propeta ay hindi makapaniwala at tumangging tanggapin ang pagkamatay ng Propeta.

Sa katunayan ang lahat ay nalungkot at halos hindi nila matanggap ang katotohanan ng pangyayari.

Nguni’t si Abu Bakar ay nagsabi: Ang lahat ng papuri ay sa Allah(U) lamang.  O sangkatauhan, sinuman ang sumamba kay Muhammad, dapat ninyong malaman na si Muhammad ay patay na.  Nguni’t ang sinumang sumasamba sa Allah(U) – ang Allah(U) ay buhay at walang kamatayan.

At binigkas ni Abu Bakar ang mga sumusunod na talata mula sa Banal na Qur’an (Kabanata Al Imran 3:144):

Si Muhammad ay hindi hihigit pa sa isang Sugo.  Maraming Sugo ang yumao na nauna pa sa kanya, kaya kung siya man ay namatay o napaslang, kayo ba ay magsisitalikod?  Sinuman ang tumalikod ay walang magagawang pinsala sa Allah(U). At sa kanilang mapagpasalamat, may nakalaang gantimpala sa kanila ang Allah(U).

Maging sa kasalukuyang panahon, marami pa rin sa mga di-Muslim ang nag-aakala na si Muhammad ang sinasamba ng mga Muslim.  Nguni’t ang katotohanan, siya ang panghuling Sugo ng Allah na nagturo sa sangkatauhan na sumamba lamang sa Tangi at Nag-iisang Panginoon - ang Allah(U) na Siyang Lumikha ng lahat.

Kahit wala na ang Propeta, tapat na tinanggap ng mga Muslim ang kanyang mensahe at mga aral nang walang pag-aalinlangan at isinasabuhay nang may katapatan.  Hindi kakaiba ang diwa at pangunahing mensaheng tinanggap niya mula sa Allah(U) at sa katuruan ng mga naunang Propeta. Sa katotohanan, kanyang ibinalik lamang ang mga nangawalang turo ng mga naunang Propeta.

Kaya mahalin at igalang natin ang Propeta sapagka’t siya ang tunay na daan at gabay sa buhay ng mga matatapat na mananampalataya.

Sa Banal na Qur’an, ang Allah(U) ay nagwika:

Sabihin (O Muhammad): Kung mahal ninyo ang Allah, sumunod sa akin.  Mamahalin kayo ng Allah at patatawarin ang inyong mga kasalanan.  At ang Allah ay lagi nang mapagpatawad at mahabagin.  [Kabanata Al Imran 3: 31]

Ang sinumang sumunod sa Sugo ay sumunod na rin sa Allah. [Kabanata An-Nisa 4: 80]

O sangkatauhan! Ang Sugo ay dumating sa inyo nang may katotohanan mula sa inyong Rabb (Panginoon)! Maniwala sa kanya, ito’y makabubuti sa inyo… [Kabanata An-Nisa 4: 170] 

Sabihin: Tunay! Ang aking pagsamba, ang aking pag-aalay, ang aking buhay at ang aking kamatayan ay para sa Allah lamang, ang Rabb (Panginoon) ng mga daigdig. [Kabanata Al An-am 6:162]

O kayong nananampalataya! Sundin ang Allah at sundin ang (Kanyang) Sugo at huwag sayangin ang inyong mga gawa. [Kabanata Muhammad 47: 33]

Kaya, tanggapin ang anumang ibinigay ng Sugo sa inyo at iwasan ang anumang kanyang ipinagbawal sa inyo. [Kabanata Al Hashr 59: 7]

Ang Banal na Qur’an ay puro at dalisay na mga pahayag mula sa Allah(U).  Hindi si Propeta Muhammad ang may akda nito katulad ng inaakala ng karamihan sa mga di-Muslim.  Ipinahayag ito sa kanya ng Allah(U) sa pamamagitan ni Anghel Gabriel sa loob ng dalawampu’t tatlong taon. Ang kaligtasan ng bawa't isa ay nakasalalay sa tapat na pagsunod sa batas ng Allah(U) na napapaloob sa Banal na Qur’an na siyang isinabuhay ni Propeta Muhammad – ang Huling Sugo ng Allah(U) sa sangkatauhan.

Si Propeta Muhammad ay nagsabi: Ako’y isinugo upang gawing ganap ang magandang pag-uugali.

Sa dahilang siya ang panghuli at ang tanging Propetang isinugo sa buong sangkatauhan, ibinigay ng Allah(U) kay Propeta Muhammad ang kabuuan at kaganapan  ng pananampalatayang Islam.  Kaya naman, mapapansin natin na sakop ng kanyang mensahe ang lahat ng bahagi ng buhay ng tao maging ito man ay hinggil sa Diyos, sarili, kapwa-nilikha,  pag-aasawa, pamilya, kapitbahay, trabaho o hanapbuhay, panunungkulan, bayan, digmaan, ugnayang pambansa, atbp.  Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa napakaraming mga Hadith na nauukol sa iba’t ibang aspeto ng buhay.  Ang Propeta ng Allah(U) ay nagsabi:

“Ang bawa’t tao ay isinilang na Muslim (likas na paniniwala at pagsamba sa nag-iisang Allah), subali’t ang kanyang mga magulang lamang ang nag-akay sa kanya na maging isang Hudyo, Kristiyano o Magyan."   (Al Bukhari at Muslim)

“Sinumang tumahak sa landas ng kaalaman sa pananampalataya (Islam), gagawin ng Allah na magaan sa kanya ang landas patungo sa Paraiso.”  (Muslim)

“Ang pagitan ng tao at kawalan ng pananampalataya ay paglisan sa Salaah (Pagdarasal).” (Muslim)

 “Siyang naka-aalaala sa kanyang Panginoon at siyang hindi naka-aalaala ay katulad ng buhay at patay.” (Al Bukhari at Muslim)

“Ang lahat ng inuming nakalalasing ay ipinagbabawal.”  (Al Bukhari at Muslim)

“Ang kalinisan ay kalahating bahagi ng pananampalataya.” (Muslim)

“Hindi nagbibigay ng habag ang Allah sa isang taong hindi marunong mahabag sa kapwa.”  (Al Bukhari at Muslim)

“Ang pinakamahusay sa inyo ay yaong may magandang pag-uugali.”  (Al Bukhari at Muslim)

“Kapag inilagay kayo sa isang katayuang may katungkulan (kapangyarihan), maging matakot sa Allah at maging makatarungan.”  (Ahmad at Al Baihaqi)

“Ang malakas na tao ay hindi yaong mahusay makipagbuno, bagkus yaong nakapagpipigil ng kanyang sarili kapag siya ay galit.”  (Al Bukhari at Muslim)

“Ang labis na kinasusuklaman ng Allah ay yaong madalas makipagtalo at makipag-away.”  (Al Bukhari at Muslim)

“Sinumang pumutol sa pakikitungo sa pamilya at kamag-anakan ay hindi makapapasok sa Paraiso.” (Al Bukhari at Muslim)

“Hindi kayo makapapasok sa Paraiso hangga’t hindi kayo mananampalataya, at hindi kayo  mananampalataya hangga’t hindi kayo magmahalan sa isa’t isa.  Nais ba ninyong sabihin ko sa inyo ang bagay na kapag inyo itong ginawa kayo ay magmamahalan sa isa't isa?  Magbigay ng pagbati ng kapayapaan (Assalamu Alaykum) sa bawa’t isa sa inyo.” (Muslim)
 
 “Sa pagpasok ng mga mananahan sa Paraiso, isang pagpapahayag ang magaganap. ‘O kayong mananahan sa Paraiso, kayo’y mananatiling buhay at hindi kailanman mamamatay; kayo’y laging malusog at hindi kailanman magkakaroon ng karamdaman;  kayo’y mananatiling bata at hindi kailanman tatanda; at kayo’y laging nasa ginhawa (katiwasayan) at hindi kailanman magkakaroon ng suliranin’.” (Muslim)

“Ang pinakamagaan na parusang igagawad sa tao sa Impiyerno ay pagyapak sa nagbabagang uling na sadyang napakainit na magpapakulo ng kanyang utak - kagaya ng pagpapakulo ng isang bagay sa kalan.  Kanyang iisiping wala nang iba pang nakararanas  ng higit na matinding kaparusahan, gayong sa katunaya’y pinakamagaan sa Impiyerno ang kanyang kaparusahan.” (Al Bukhari at Muslim)

Mga Serbisyo ng AI