Ang pitong mga gawain na dapat gampanan sa panahon ng ‘Hajj

img

Marqoom

Kategorya :

Wika : Filipino

Mga View : 1

Idagdag sa mga paborito : 0

Ang pagsusuot ng Ihram sa Miqat.
Ang (Waqoof) pagtigil sa ‘Arafah.
Ang Manirahan sa Muzdalifah.
Ang manirahan sa Mina  sa Araw ng Tashrik.
Ang bumato sa tatlong Jamarat.
Ang magpabawas o mag-paputol ng buhok, subalit ang magpakalbo ay kanais-nais sa mga lalaki.
Ang tawaf al Wada o Tawaf na pamamaalam.

Mga Uri Ng ‘Hajj:

1. ‘Hajj At-Tamattu’ :  Ito ang pagsusuot ng Ihram upang isagawa muna ang ‘Umrah sa buwan ng ‘Hajj, (at pagkatapos maisagawa ang Umrah ay maaari na nilang hubarin ang kanilang Ihram at sila ay manumbalik sa pangkaraniwang katayuan) at  ang pagsusuot muli ng Ihram upang isagawa ang mga rituwal sa ‘Hajj pagsapit sa Ayyamu Tarwiyyah o sa Ika-walo sa buwan ng Dhul ‘Hijjah habang nasa loob ng Makkah o sa pook na malapit sa Makkah.
2. ‘Hajj Al-Qiran :  Ito ang pagsusuot ng Ihram upang isagawa ang ‘Hajj at ‘Umrah ng sabay at may dalang hayop para sa pag-aalay, subalit hindi maaaring hubarin ang Ihram hanggang sa araw ng sakripisyal ( o ika-sampung araw ng Dhul-Hijjah).
3. ‘Hajj Al-Ifrad :  Ito ang pagsasagawa ng ‘Hajj lamang at ang paglalagay ng Ihram ay sa pook ng Miqat (o mga himpilan) bago pumasok sa Makkah o sa pagitan ng Miqat at Makkah, subalit hindi niya maaaring hubarin ang Ihram hanggang sa araw ng sakripisyal (o ika-sampu ng Dhul ‘Hijjah).

Mga Rituwal Na Dapat Magampanan (O Maisagawa) Sa Panahon Ng ‘Hajj:

 1. Ang Ika-walong Araw Sa Buwan ng Dhul-‘Hijjah:
1-1. Kung ikaw ay nagsasagawa ng ‘Hajj Al Ifrad o ‘Hajj Al-Qiran ay dapat isuot mo ang iyong Ihram mula sa dadaanan mong Miqat habang papunta sa Makkah. Kung wala kang madadaanang Miqat ay dapat kang magsimula  sa iyong tinitirahan. Kung ikaw  ay nagsasagawa ng ‘Hajj At-Tamattu’ ay dapat mong isuot ang iyong Ihram (sa Araw ng Tarwiyyah) na may kasamang layunin upang isagawa ang ‘Hajj  mula  sa iyong tinitirahan  sa Makkah. Sa araw na ito ay dapat kang maligo at  maglagay o magpahid ng pabango (habang hindi pa naisusuot ang Ihram)   sa iyong katawan na ang iyong layunin ay upang isagawa ang Hajj at sabay banggitin (habang isinusuot mo ang Ihram)ang “ LABBAYKA ‘HAJJAN  “. “Labbayk Allahumma labbayk, Labbayka la shari-kalakalabbayk, Innal ‘Hamdah. Wanni-‘mata, laka  Walmulku La-shareeka lak.”

1-2. Pagkatapos ay lumabas   patungo sa Mina, at isagawa doon ang mga dasal ng Dhohr, Ashr, Magrib, Isha at Fajr sa mga wasto niyang orasan at ang apat na rak’at ay gawing dalawang rak’at (qasr) lamang (hindi maaring isagawa ang mga pagdarasal na ito nang sabay-sabay sa iisang orasan).

2. Ang Ika-Siyam Na Araw Sa Buwan Ng Dhul-‘Hijjah:

Pagsikat ng araw, (sa araw ng ika- siyam) ay kinakailangang pumunta sa ‘Arafat ng mahinahon, at iwasan ang manakit sa kapuwa mga perigrino at isagawa doon ang mga dasal sa Dhohr at ‘Asr, paiksiin ito (qasr) at pagsamahin (jamaah)  na may iisang adhan at dalawang Iqamat.

Karapat-dapat sa isang perigrino ang tiyaking mabuti na siya ay napapaloob sa pook ng ‘Arafat sa araw na ito at kasama sa mga gagawin dito ay damihan ang Dhikr o paggunita sa Allah  at damihan din ang iba pang mga panalangin na nakaharap  sa Qiblah at nakataas ang dalawang kamay kagaya nang ginawa ng mahal na Propeta Muhammad . Kinakailangang tayo ay manatili sa ‘Arafat hanggang sa paglubog ng araw, (at paglubog ng araw), magpunta sa Muzdalifa ng mahinahon at bigkasing paulit-ulit ang Talbiyyah. Pagdating sa Muzdalifa (galing sa bundok ng ‘Arafat) ay dito manirahan sa gabing ito at lalung mabuti kung ikaw ay malapit sa Masjid ng Muzdalifa. Ang Muzdalifa ay alam sa pangalan na Mash’ar al-Haram. Isagawa ang mga dasal sa Maghrib at Isha (pagsabayin ito at paiksiin ang salatul Isha). Manatili dito hanggang salatul Fajr (hanggang bago magbukang liwayway). Pagkatapos magdasal ng Fajr ay nararapat sa mga perigrinong damihan ang kanilang mga panalangin na sila ay nakaharap sa Qiblah at nakataas ang kanilang mga kamay katulad sa ginawa ng mahal na Propeta Muhammad.

 3. Ang Ika-Sampung Araw Sa Buwan Ng Dhul-‘Hijjah:
3-1.  Pagkatapos ng salatul Fajr at bago sumikat ang araw ay bababa ang mga perigrino sa Mina (nagmumula sa Muzdalifa) at habang sila ay naglalakad ay kanilang binibigkas ang Talbiyyah. Maaari na rin  (sa kanila) ang mamulot (sa Muzdalifa) nang  pitong pirasong maliliit na bato habang sila ay naglalakad patungo sa Mina upang ibato ito sa Jamarat Al-Aqabah, sa bawat pagpukol ay banggitin ang Takbeer (Allahu Akbar). Ang ibang mga maliliit na bato ay maaaring sa Mina  pulutin.




3-2. Sa araw ring ito ay dapat katayin ang mga hayop pangsakripisyal  (kung mayroong dala), kumain sa karne nito at ang iba ay ipamigay sa mga mahihirap na nakatira sa Makkah.

"Na maaaring masaksihan nila ang mga bagay na mapapakinabangan nila (katulad ng mga gantimpala para sa ‘Hajj sa Kabilang buhay, at mula din sa mga makamundong pakinabang (tubo) galing sa pangangalakal) at purihin ang pangalan ng Allah  sa mga Araw na nakatakda (mula sa ika-10, 11, 12 at 13 araw ng Dhul-‘Hijjah) sa mga hayop na Kanyang inilaan para sa kanila (para sa pag-aalay). At kumain (sa karne) nito at pakainin dito ang mga maralitang gipit sa panga-ngailangan.” 
3-3. Magpakalbo o magpaputol ng buhok, subalit ang magpakalbo ay itinatagubilin at kanais-nais para sa mga lalaki, at ang pagpapaputol o pagbabawas ng bahagya sa buhok ay itinatagubilin para sa  mga babae.
3-4. Kung ang mga nabanggit na rituwal  sa itaas ay natapos na nang magkasunod-sunod, ay maaari ka nang manumbalik sa iyong dating (pang-karaniwang) kalagayan (ito ang tinatawag na Tahallul Awwal (Ashgar)) at pinapayagan ng  hubarin ang suot mong ihram at magsuot ng pangkaraniwang damit subalit (sa katayuang ito ay) bawal pa rin sa iyo ang  makipagtalik sa asawa.
3-5. Magtungo sa Makkah upang isagawa ang Tawaf Al-Ifadah sa Kaabah (ang tawaf na ito ay kasama sa mga (Rukon) mahahalagang bahagi ng ‘Hajj) at Sa’iey sa bundok ng Safa at Marwah (kung ikaw ay nagsasagawa  ng ‘Hajj At-Tamattu’). Sa pagkakataong ito ay pinahihintulutan na ang mga may asawa na sumiping o makipagtalik sa asawa dahil sila ay malaya na sa mga ibang ipinagbabawal sa panahon ng ‘Hajj at sila ay nanumbalik na sa kanilang pangkaraniwang kalagayan.  

Kung ang isinasagawa ay ‘Hajj Ifrad o ‘Hajj Al-Qiran at hindi pa naisagawa ang sa’iey sa panahon ng Tawaf Al-Qudom (tawaf sa pagdating) ay nararapat na maisagawa ang sa’iey sa araw na ito. Maaari na ring ipagpaliban ang pagsasagawa ng tawaf Al-Ifadah ( hanggang sa matapos ang araw ng paninirahan sa Mina at pagbato sa tatlong Jamarat).
3-6. Bumalik sa Mina at manatili doon ng dalawa o tatlong  gabi ( mula sa panlabing-isa at panlabing dalawa o panlabing-tatlong araw ng Dhul ‘Hijjah). Ito ang tinatawag na Ayyamu Tashreeq .

4. Ang Ika-Labing-Isang Araw Sa Buwan Ng Dhul-‘Hijjah:
4-1. Mag-ipon ng dalawampu’t isang maliliit na bato sa Mina at batuhin ang tatlong jamarat. Magsimula sa Jamarat Al-Asgar (maliit na jamarat) at pagkatapos ay sa Jamarat Al-Wusta (gitnang jamarat at manalanging (nakataas ang kamay na) nakaharap sa Kiblah pagkatapos ng Rami (o pagbabato)) at ang huli ay ang Jamarat Al-Kubra o Al-Aqabah (malaking jamarat). Ang bawat jamarat ay nangangailangan ng pitong pagpukol o pagbato at bawat pagbabato ay ating binibigkas ang Allaho Akbar.

5. Ang Ika-Labin-Dalawang Araw Sa Buwan Ng Dhul- ‘Hijjah:
5-1. Sa araw na ito ay kailangang  ulitin ang ginawa sa ika-labing-isang araw ng Dhul ‘Hijjah.
5-2. Kung ikaw ay may balak na manatili sa Mina hanggang sa araw na ito ay nararapat sa iyo ang umalis sa loob ng Mina bago lumubog ang araw dahil kapag ikaw ay inabutan ng paglubog ng araw sa Mina ay kinakailangang  manatili rito hanggang sa pangatlong araw at kailangan ding magbato katulad sa ginawa mo sa panglabing-isa at panlabin-dalawang araw.

Paalaala:  Ang mga perigrinong may karamdaman, masakitin o hindi kaya ng kanilang sarili ang bumato  sa tatlong Jamarat ay pinahihintulutang kumuha ng kahalili upang siya ay ibato o isagawa ang ritwal para sa kanya.

5-3. Pagkatapos maisagawa ang mga pamamaraang  ritwal  sa  ‘Hajj   at    bilang
kahuli-hulihang tungkulin sa ‘Hajj bago umuwi (sa iyong tahanan o bansa) ay isagawa muna ang Tawaf Al-Wada o Tawaf na Pamamaalam dahil ito ay tungkulin at obligasyon nang lahat ng mga perigrino, maliban sa mga babaeng nireregla o kapanganganak lamang ay pinahihintulutang hindi maisagawa ang obligasyon na ito. 
Bilang paalaala at babala sa mga perigrino ay kasama sa mga pamamaraang taliwas sa katuruan sa sunnah ng Propeta  ay ang ibang mga perigrino, habang sila ay papalabas ay nakaharap sa Kaabah at paatras na naglalakad palabas at kung anu-anong mga orasyon o mga panalangin ang kanilang binabanggit, minsan pa ay nakataas ang dalawang kamay na parang namamaalam. Ang wasto at tamang pamamaraan pagkatapos maisagawa ang Tawaf al-Wada ay lumabas mula sa Kaabah na nakaharap sa pintuan sa pangkaraniwan na pamamaraan.



Mga Serbisyo ng AI
Mga Serbisyo ng AI