ANG KAGANAPAN NG HAJJ (PILGRIMAHE)

img

Marqoom

Kategorya :

Wika : Filipino

Mga View : 222

Idagdag sa mga paborito : 0

Ang Allah ay nagsabi: {At gawin ninyong ganap ang Hajj at ang Umrah para sa Allah}. Al-Baqarah (02:196)
Ang pagiging ganap nito ay may tatlong bahagi:
Una: Ang kaganapan ng Hajj sa panahon.
Pangalawa: Ang kaganapan nito sa lugar.
Pangatlo: Ang kaganapan nito sa pamamaraan.
Para sa kaliwanagan nito, ang masasabi natin:
Una: Ang kaganapan ng Hajj sa Panahon: 
Ito ay ang pagsasagawa ng Hajj sa oras na itinakda ng Allah para dito, kaya hindi dapat ito napapaaga at hindi rin dapat ito napapahuli.
Samakatuwid, ang lahat ng Ibadah (ritwal na gawain) sa Hajj ay may takdang oras na itinakda, sapagka't ang pagtatakdang ito ay may mga layunin na hindi mabibigyan ito ng katuparan maliban kung isaalang-alang ito, kaya sinuman ang di nagpahalaga nito sa panahon na siyang itinakda rito ng Allah, magkagayun siya ay nagkulang sa pagbigay ng kaganapan sa mga layuning ito.
Ang Allah ay nagsabi: {Ang (panahon ng) Hajj ay kilalang mga buwan}. Al-Baqarah (02:197) 
At sinabi pa Niya: {At inyong alalahanin ang Allah sa panahon ng mga natatakdaang araw (sa buwan ng Dhul Hijjah)}. Al-Baqarah (02:203)
Kaya ang masasabi natin, halimbawa: Sa kanya na nagmadali at hindi nagpagabi sa Muzdalifah, o di kaya ay lumisan mula rito bago sumapit ang hating-gabi, at sa kanya na humagis sa Jamarat bago ang katanghalian ng tapat sa ikalabing dalawang araw, ang lahat ng ito sa katotohanan ay humahantong sa pagsalungat sa mga layunin ng Hajj o nakakapagbawas nito.
Pangalawa: Ang kaganapan ng Hajj sa lugar: 
Ito ay ang pagsasagawa sa mga Ibadah (ritwal na gawain) na isinabatas ng Allah sa Hajj sa mga nakatakdang lugar nito na siyang nais Niya.
Samakatuwid, lahat ng lugar ay may mga layunin na hindi mabibigyan ng katuparan maliban kung isaalang-alang ito, kaya sinuman ang hindi nagpahalaga sa isang lugar na pinaglaanan para sa Ibadah, siya ay nagkulang sa pagbigay ng kaganapan sa mga layunin ng Ibadah na ito.
Halimbawa: Nais ng Allah na tayo ay tumigil sa Arafah, datapuwa't ito ay may mga hangganan, kaya hindi tayo dapat lumalagpas sa mga hangganan na ito, nais din ng Allah na tayo ay magpagabi sa Muzdalifah ng buong magdamag o ng higit sa kalahati ng gabi, kaya hindi tayo dapat lumabas sa gabi ng Muzdalifah sa mga hangganan nito, at nais din ng Allah na tayo ay magpagabi sa Mina sa mga natatanging gabi nito, kaya hindi tayo dapat lumalagpas sa Mina (sa mga hangganan nito) maliban na lamang kung tayo ay napipilitan – tulad ng nangyayari sa ngayon dahil sa tindi ng siksikan – ito ang kaganapan ng Hajj sa lugar.
Sa katotohanan, naging masikip na ang ilang mga Ibadah (ritwal na gawain) sa panahon at lugar kung ihahambing sa bilang ng mga nagsasagawa ng Hajj tulad ng paghagis ng bato sa mga Jamarat, sa pag-ikot sa palibot ng Kaabah at sa paghalik sa (banal na) Bato, nguni't hindi pa rin pinahaba ang panahon nito na umabot ng ilang buwan o linggo upang mabawasan ang siksikan, at hindi rin ginawang pinalaki ang mga lugar nito o pinarami upang tumugma sa bilang ng mga nagsasagawa ng Hajj sa paglipas ng mga taon, at hindi rin ginawang para lamang sa mga kalalakihan ang pagsasagawa nito na wala ang mga kababaihan para kumaunti ang bilang, at hindi rin ito ginawa na kusa, bagkus kanais-nais ang pagpapatupad nito sa lahat ng mga nagsasagawa ng Hajj lalaki man o babae sa masikip na lugar at sa natatakdaang panahon, sapagka't ang Allah ang Higit na Nakaaalam, ang Napakatalino, hindi lingid sa Kanya kung ano ang maging resulta ng mga alituntunin na ito dulot ng ganitong matinding pagsisiksikan at paghahalu-bilo, datapuwa't ang lahat ng ito ay para sa isang dakilang kadahilanan na siyang hangad ng Ubod ng Talino, ang Ganap na Nakababatid.
Pangatlo: Ang kaganapan ng Hajj sa pamamaraan:
Ito ay sa pamamagitan ng ating pagpapahalaga sa tatlong uri ng mga alituntunin:
1- Ang mga layunin ng Hajj.
2- Ang mga alituntunin nitong pambatas.
3- Ang isinasaalang-alang na mga kapakanan.
Para sa karagdagang pagbigay-linaw tungkol dito, ang masasabi natin:
Ang Unang Uri: "Ang mga Layunin ng Hajj" sa susunod na natin ipaliwanag ang detalye nito insha Allah.
Ang Pangalawang Uri: Ito ay "Ang mga Alituntuning Pambatas": Tulad halimbawa ng; pagiging Ubligado nito, Kaaya-aya, Ipinahihintulot, Kasuklam-suklam at Ipinagbabawal, ang mga alituntuning ito ay sadyang naging masusi ang pagtalakay at pagpapaliwanag ng mga pantas tungkol dito, at madalas ang pagtatanong ng mga tao tungkol dito na kung saan ay sapat nang mabanggit ito dito.
Ang Pangatlong Uri: "Ang Isinasaalang-alang na mga Kapakanan" na magsisilbing tulong para sa kaganapan ng Hajj tulad halimbawa ng regulasyon ng trapiko, kalinisan, paninirahan, mga kahilingan ng pagsasama at iba pa rito.
Maaring ang mga tao ay magkulang sa pangangalaga nito, kung kaya't ito'y magsisilbing dahilan sa pagkakaroon ng mga problema na siyang maghahatid tungo sa di-pagsapit ng mga tao sa mga sagradong lugar sa tamang mga oras nito, o pagkaraan ng matinding pagkapagod na maaring magdulot ng kasiraan sa mga ginagawa nilang pagsamba.
Samantalang kung magtulong-tulong ang mga tao sa pangangalaga sa isinasa-alang-alang na kapakanan na ito, katiyakang makakamit nila at mabibigyan nila ng katuparan ang Ibadah sa pamamagitan ng madali at magaan.