Maikling Pananalita ng Nagsalin sa Wikang Pilipino
Ang papuri ay sa AllahU lamang; pinupuri natin Siya at hinihingan ng tulong at kapatawaran. Tayo'y nagpapakupkop sa AllahU laban sa kasamaan ng ating mga sarili at laban sa kasamaan ng ating mga gawa. Sinumang ginabayan ng AllahU, walang sinumang makapagliligaw sa kanya, at sinumang hinayaang maligaw ng AllahU, walang sinumang maka-paggagabay sa kanya. Ako ay sumasaksi na walang tunay na diyos na dapat sambahin maliban lamang sa AllahU, Siya'y walang anumang katambal o kahati, at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang Alipin at Sugo. Nawa'y patnubayan siya ng AllahU at ipagkaloob sa kanya ang pinakamabuting gantimpala para sa kanyang Ummah. Nawa'y gantimpalaan ng AllahU ang lahat ng kanyang mga kasamahan sa kanilang mga patitiis at katapatan sa pagpapalaganap ng Islam para sa mga sumusunod na henerasyon hanggang sa Huling Araw.
Isang dakilang tungkulin ng bawa't Muslim ang makibahagi sa pagpapalaganap ng relihiyong Islam, ang pinagpalang relihiyon para sa sangkatauhan. Kaya naman, ako ay nagsalin ng isang mahalagang paksa tungkol sa Islam batay sa isang magandang lathalain ng isang mapitagan at kilalang paham sa Islam na si Sheikh Tamimi. Tinalakay niya sa aklat na ito ang tunay na Aqeedah (prinsipyo) tungkol sa Kaisahan ng AllahU upang sa gayo'y mapalaganap ang tunay (at tamang) prinsipyo sa bawa't Muslim, at gayundin upang mariing itakwil at ilantad ang anumang katuruang sumasalungat sa tamang Aqeedah.
Ang relihiyong Islam ay isang pangkalahatang mensahe batay sa Aqeedah (prinsipyo ng Pagkilala at Pagsamba nang tuwiran sa Tanging Isang Tunay na Diyos (AllahU). Ang layunin ng lathalaing ito ay upang bigyan ng katiyakan at katatagan, lalo na yaong mga bagong yumakap sa Islam, sa tamang prinsipyo ng pananampalatayang ito. Ang hindi pagsasaalang-alang ng prinsipyong ito ay nagbibigay-daan sa bagong Muslim upang madaling mahikayat ng mga naliligaw na pangkat o samahan na may maling pananaw sa Kaisahan ng AllahU, bagaman sila'y nag-aangking mga Muslim.
Ang orihinal na aklat, ang Tawheed (Ang Kaisahan ng AllahU), ay isinulat sa wikang Arabik ni Shiekh ul-Islam Muhammad bin Sulaiman at-Tamimi. Sadyang imposibleng isalin nang tuwiran sa anumang wika ang orihinal na lathalaing nasusulat sa Arabik dahil ang wikang ito ay may angking yaman sa pagpapahayag at pagpapaliwanag. Kaya naman, sa pagsasalin ay higit na binibigyang-halaga ang diwa ng aklat at sa nais iparating nito sa mambabasa kaysa sa literal na pagsasalin. May ilang paliwanag na idinagdag sa wikang Tagalog upang higit na umakma ito sa pang-unawa ng mga Pilipino at upang ang mensahe ay maipalaganap nang walang pagkukulang.
Sa dahilang may ilang mga kataga sa wikang Arabik na hindi maaaring bigyan ng ganap na kahulugan sa wikang Tagalog, katulad halimbawa ng Tawheed, Taghut, Shirk, atbp. Aking pinanatili ang orihinal na kataga at binigyan na lamang ng angkop na pagpapaliwanag.
Idinadalangin ko sa AllahU, ang Panginoon ng lahat ng nilikha, na nawa'y tanggapin Niya ang pagsisikap na ito, at nawa'y idagdag Niya ito sa talaan ng mabubuting gawa sa Araw ng Paghuhukom. Ang pangakong Araw na tiyak na darating na kung saan ang yaman o angkan ay hindi makatutulong, bagkus, ang bigat ng mabubuting gawa ang siyang mangingibabaw sa pagbibigay Habag ng AllahU.
Patnubayan nawa tayo ng AllahU, ang Dakila at ang Mapagpatawad.
Assalaamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuhu.
Yusuf Alaiden Butucan
January 10 2003
Dhul-Qa'edah 08, 1423
Riyadh, Saudi Arabia