Ang katagang Ibadah (pagsamba) ay hango sa salitang Arabik na "Abd" na nangangahulugan ng alipin. Ang tao ay isinilang na napapailalim sa kapangyarihan ng Allah. Siya ay isinilang bilang isang alipin ng Allah. Kapag siya ay lumapit sa Allah nang may pagpapakumbaba at pagkamataimtim, siya ay gumaganap ng isang gawaing Ibadah (pagsamba). Ang Ibadah ay isang paraan upang padalisayin ang buhay pisikal at ispirituwal. Sa Islam, ang bawa't pag-aalay ng mabuting gawa na naghahangad magbigay kasiyahan sa Allah ay isang Ibadah (pagsamba).
Ang mga tungkuling rituwal ng Ibadah ay Salaah (pagdarasal), Sawm (pag-aayuno), Zakat (kawanggawa), at Hajj (paglalakbay sa Makkah). Ang mga naturang tungkulin kaalinsabay ng Eeman (pananalig) ay karaniwan nang tinatawag na mga haligi ng Islam. Ang Islam ay isang buo at ganap na patnubay. Nasasakop nito ang lahat ng bahagi ng buhay ng tao. Ang haligi ng Islam ay pinag-iisa ang lahat ng gawain ng tao maging ispirituwal, materyal, pansarili o pangkalahatan.
Ang pagsagawa ng mga itinakdang tungkulin ng Ibadah (pagsamba) ay nagbibigay lakas sa Eeman (pananalig) upang ito ay maging kapaki-pakinabang at mabisa sa buhay ng tao. Kaya naman, ang Ibadah ay isang bagay na nagbibigay ng tiyak na bunga. Ito ay isang paraan upang ang mga mananampalataya ay makapaglingkod sa Allah at maging mabuti sa kanyang kapwa.
Ang Salaah (pagdarasal),na isang mahalagang bahagi ng Ibadah ay siyang paksa ng aklat na ito. Ating matutunghayan sa Banal na Qur’an:
“Tunay na magtatagumpay ang mga mananampalataya. Silang nag-aalay ng Salaah nang buong katapa-tan at may ganap na pagsuko.” [Surah Al Mu’minun 23:1-2]