SINO ANG TUNAY NA DIYOS?

img

Marqoom

หมวดหมู่ :

ภาษา : Filipino

การดู : 199

เพิ่มไปยังรายการโปรด : 0

Malinaw at maayos na sinagot ng Islam ang napakahalagang tanong na ito. Ipinapahayag nito ang maraming detalye tungkol sa nag-iisang tunay na Diyos at ang Kanyang mga katangian. Ang Banal na Qur-an ay nagsasabi:

“Sabihin: Siya si Allah, ang nag-iisa. Si Allah, ang Walang Hanggan, ang Ganap. Hindi Siya nagkaanak at hindi rin Siya ipinanganak. At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad.” (112:1-4)
Ito ay isang kumpletong kapitulo sa Banal na Qur-an. Ang napakagandang kabanata na ito ay malinaw na nagpapaliwanag sa atin ng katotohanan tungkol sa iisang Diyos (Allah) at ang Kanyang katangian. Malinaw nitong sinasagot ang mga mahahalagang katanungan na gumugulo sa isip ng maraming tao.

Ilan sa mga katangian na nagbubukod sa totoong Diyos (Allah) sa ibang mga nag-aangkin ng pagka-diyos:

- Ang tunay na Diyos ay tagapaglikha at hindi nilikha.
- Ang tunay na Diyos ay iisa lamang at hindi marami! Wala siyang katambal at katulad.
- Ang tunay na Diyos ay hindi nakikita, at walang sinuman ang maaaring makakita sa Kanya dito sa mundo. Hindi rin Siya pisikal na nagkatawan ng ibang anyo.
- Ang tunay na Diyos ay walang hanggan. Hindi siya namamatay at hindi rin nagbabago.
- Ang tunay na Diyos ay hindi nangangailangan kanino man na katulad ng  ina, o asawa, o anak; o anuman tulad ng pagkain, inumin o tulong. Subalit ang iba ay nangangailangan sa Kanya.
- Ang tunay na Diyos ay walang kaparis sa kanyang mga katangian, wala siyang kahambing. Walang anumang paglalarawang pantao ang maaaring iukol sa Kanya.


NATUKLASAN MO NA BA ANG MGA LIHIM NA ITO?

Katotohanan na ang Islam ay nagpapahayag tungkol sa kalikasan ng tao. Tumatalakay ito tungkol sa ating kaluluwa, sa ating ispiritwal at intelektwal na pangangailangan at mga kaugalian. Si Allah, na nakakaalam ng mga kaluluwa, mga pag-iisip, at mga puso ay nagpapahayag sa atin ng mga susi ng kapanatagan at kaluguran ng mga ito.

PAANO MAKAKAMIT ANG KATIWASAYAN NG ISIP, KAPANATAGAN AT KALUGURAN?

1. Alamin ang iyong tunay na nag-iisang Diyos.
2. Manampalataya sa Kanya lamang.
3. Sundin ang Kanyang nais.
4. Maniwala sa Kanyang mga Propeta (kabilang na rito si Propeta Muhammad).
5. Gunitain ang Diyos.
6. Hingin ang kapatawaran ng Diyos.
7. Siya lamang ang sambahin.
8. Naisin para sa iba ang mga ninanais mo para sa iyong sarili.
9. Maging mapagbigay sa kapwa at sikapin silang maging masaya.
10. Maging matapat at magalang.

Itong sampung susi na nabanggit para makamit ang katiwasayan at kaluguran, pati na rin ng ispiritwal, panlipunan at pandaigdigang kapayapaan ay ilan lamang sa mga nakabibighaning yaman ng Qur-an at ng mga kasabihan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan).

Bilang kabuuan, tinuturuan tayo ng Islam sa pamamagitan ng dalawa nitong mapananaligang pinagkukunang batayan: ang Qur-an at ang mga kasabihan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) na nagsasabing makakamit natin ang katiwasayan ng isip, kaligayahan at kaligtasan sa pamamagitan ng pag-alam at paniniwala sa iisa at tunay na Diyos na si Allah ng buong puso. Nararapat din na maniwala tayo sa lahat ng kanyang mga isinugo (kabilang na rito si Propeta Muhammad) at sundin ang kanilang mga katuruan.

At, ang daan tungo sa masaya at walang hanggang buhay ay sa pamamagitan ng paniniwala at pagbigkas sa testimonyang ito:

 “Ako’y sumasaksi na walang sinumang diyos na dapat sambahin maliban kay Allah, at ako’y sumasaksi na si Muhammad ay sugo ni Allah.”

Gayunman, ang Islam ay nagsasabi sa atin na ang paniniwala sa nag-iisang Diyos at sa Kanyang mga Propeta ay hindi sapat upang makamtan ang kapanatagan ng isip, kaligayahan at kaligtasan!

Kailangan nating sundin ang kagustuhan ni Allah sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya lamang at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Ang pagsuko sa kagustuhan ng Diyos ang tunay na mensahe ng Islam. Pagpapatotoo sa tunay na kahulugan nito at pagsuko sa Kanya at ang gantimpalang nakalaan para sa mga nananampalataya at gumagawa ng mga mabubuti. Binanggit ni Allah sa Qur-an:

“Katotohanan, sila na sumampalataya (sa kaisahan ni Allah) at  gumawa ng mga mabubuti ay magkakaroon ng Halamanan ng Al-Firdaus (Paraiso) bilang isang pananahanan.” (18:107)

Katulad nito’y winika sa Bibliya na si Santiago ay nagsabi:

“Kung paanong ang katawang walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa.” (Santiago 2:26) 

Nabanggit din sa Santiago 4:7 ang talatang ito na tumutukoy sa kahulugan ng Islam:  “Ipasakop nga ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos.”

Samakatuwid, ang mga Muslim ang tunay na tagasunod ni Hesus at ng mga Propeta. Ang ibig-sabihin ng salitang Muslim ay taong sumusuko sa kagustuhan ng nag-iisang tunay na Diyos.

Ang mga Muslim ay nananampalataya kay Allah (ang nag-iisang tunay na Diyos) at gumagawa ng mga mabubuti. Kanilang sinusunod ang mga kautusan na ipinarating ni Hesus at ng ibang mga Propeta, at ng kanilang mga gawain tulad ng pagdarasal, papagpapatirapa, pagyuko sa nag-iisang tunay na Diyos, pag-aayuno, pagbibigay ng abuloy, pagsasabi ng: “kung nanaisin ni Allah (Insha Allah)”, at paggamit sa pagbati ni Hesus at ng ibang mga Propeta na: “Sumainyo ang kapayapaan (Assalamu alaykum)”.

Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng katibayan na malinaw na tumutukoy sa katotohanan at kaisahan ng napakagandang relihiyon na ito ng lahat ng mga Propeta: Islam

Ang taong Muslim o taong nais na mag-Muslim ay kailangan niyang maniwala sa anim na haligi ng pananampalataya.


ANG ANIM NA HALIGI NG PANANAMPALATAYA

1. Paniniwala kay Allah (ang nag-iisang tunay na Diyos), na Siya ay umiiral, sa Kanyang pagiging isa (Tawhid), sa Kanyang pagiging Panginoon, sa Kanyang mga natatanging mga pangalan at mga katangian, na Siya lamang ang nararapat na sambahin. 

2. Paniniwala sa Kanyang mga anghel, na nilikha ni Allah upang sambahin lamang Siya, at sundin ang Kanyang mga kautusan.

3. Paniniwala sa Kanyang mga kapahayagan (aklat) kabilang na ang orihinal na inihayag kay Moises at kay Hesus (hindi ang mga nabago at napalitan). Ang Qur-an ang siyang kahuli-hulihang aklat na ipinahayag kay Propeta Muhammad.

4. Paniniwala sa Kanyang mga Propeta, kabilang sina Adan, Noah, Abraham, Moises, Juan Bautista, Hesus at Muhammad (sumakanila nawa ang kapayapaan). Ang Muslim ay hindi totoong mananampalataya hangga’t hindi siya naniniwala kay Moises at Hesus bilang mga Propeta na isinugo ng nag-iisang tunay na Diyos (Allah), ang Tagapaglikha.

5. Paniniwala sa Huling Araw, ang Araw ng Paghuhukom. Ang lahat ng tao ay huhusgahan ni Allah ayon sa kanilang pananampalataya at mga gawain. Sa katapusan ng paghuhukom, sino ang mga mapupunta sa walang hanggang kaligayahan sa Paraiso, at sino ang mga maitatapon sa apoy ng Impiyerno?

6. Paniniwala sa tadhana na ipinasya ni Allah at ang kanyang ganap na kaalaman sa lahat ng bagay. Ito ay nagiging dahilan ng pagtitiwala ng mga mananampalataya kay Allah. Sila ay kontento sa anumang ipinasya ni Allah para sa kanila maging mabuti man ito o masama. Hindi sila nawawalan ng pag-asa sa mga pagsubok na dumarating. Bumabaling sila kay Allah para sa paghingi ng tulong, suporta at gantimpala.

Ang pananampalatayang ito kay Allah at sa Kanyang mga ipinasya ay nagiging dahilan para maging panatag ang isip ng mga Muslim, kahit pa may mga agresyon, pagsalakay, pagsakop at pagsasamantala sa kanilang mga lupa, langis at kayamanan, at kahit may mga kawalang-katarungan, pagkiling, maling paratang na kanilang nararanasan.

Ito ang mga haligi ng pananampalataya sa Islam na kailangang paniwalaan ng tunay na mananampalataya.


บริการ AI
บริการ AI