Limang (5) Haligi ng Islam Bilang mga Tungkulin ng Tao sa Diyos

img

Marqoom

หมวดหมู่ :

ภาษา : Filipino

การดู : 12

เพิ่มไปยังรายการโปรด : 0

Pagsaksi o Panunumpa na Walang Tunay na Diyos na Dapat Sambahin Maliban sa AllahI, at si Muhammad ay Kanyang Huling Propeta.

Ang pagsaksi ng tao na walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa AllahI ay nangangahulugan at nagpapatunay na tanging ang Dakilang Lumikha lamang ang kanyang dapat pag-ukulan ng pagsamba. Samakatuwid, nararapat niyang sambahin ang AllahI ayon sa Kanyang utos at sa pamamaraang itinuro at isinagawa ni Propeta Muhammad. Walang karapatan ang taong sumamba sa kanyang Tagapaglikha nang ayon sa sarili niyang pamamaraan.  Dapat siyang sumamba batay sa utos ng AllahI at sa pamamaraan ng huling Sugo at Propeta na si Muhammad sapagka’t ang pagsunod sa pamamaraan na itinuro ni Propeta Muhammad ay tanda ng pagsunod na rin sa pamamaraan na itinuro ng mga naunang Propeta sa kanya.  Dala ng lahat ng Propeta ang iisang aral dahil ang AllahI lamang ang nagpadala o nagsugo sa kanilang lahat. Silang lahat ay sumamba nang tapat at wagas sa Nag-iisang Tunay na Diyos at sa  pamamaraang ipinag-utos sa kanila ng AllahI na Kanyang binigyan ng kaganapan sa pagtuturo ng huling Propeta na si Muhammad.

Pagsagawa ng Limang (5) Ulit na Pagdarasal (Salaah) sa Buong Maghapon.

Ang Salaah ay mahalaga sa buhay ng isang mana-nampalataya sapagka’t ito’y malinaw na pagganap niya sa kanyang tungkulin – ang sumamba sa kanyang Lumikha bilang isang matuwid na alipin.  Sa katunayan, ang pagdarasal ay hindi kailangan ng AllahI, bagkus dapat gampanan ito ng tao para sa sarili niyang kapakanan at kabutihan.  Ito’y pagkain ng ispirituwal na katawan at pagpapatawad sa mga kasalanan.  Karagdagan pa, ito ay nagsisilbing ilaw at liwanag sa puso’t isipan ng tao.  Sa pagdarasal, nadarama ng tao sa kanyang isip at puso ang kapayapaan at kasiyahan. Gayundin, kanyang ipinadarama sa Tagapaglikha ang matapat na pag-aalaala, paniniwala at pasasalamat. 

Mababasa sa Banal na Qur’an:

Yaong mga naniniwala, at ang mga puso nila‎’y taglay ang katiwasayan sa  pag-alaala sa Allah; tunay, sa pag-aalaala sa Allah matatagpuan ng  mga puso ang ganap na kapayapaan.  (Qur’an Ar-Ra’d-13:28)
 
Gayundin, ang Dakilang AllahI ay nagwika:

Katotohanan Ako ang Allah, walang ibang diyos  maliban sa Akin.  Kaya sambahin Ako at mag-alay ng Salaah (itinakdang pagdarasal) bilang pag-alaala sa Akin.  (Qur’an Ta-Ha-20:14)

…at mag-alay ng Salaah (itinakdang pagdarasal).  Katotohanan, ang pagdarasal ay nakapipigil sa Fahsha (gawaing mahahalay) at Munkar (di-paniniwala, pagsamba sa diyus-diyusan, at lahat ng gawaing di-makatarungan).  At ang pag-alaala sa Allah ang siyang tunay na  pinakadakila..  At batid ng Allah ang lahat ng inyong ginagawa. (Qur’an Al-Ankabut-29:45)

Anuman ang kalagayan ng isang mananampalataya habang siya’y nabubuhay sa ibabaw ng mundo, dapat niyang gampanan ang limang Salaah bilang pag-alaala, pakikipag-ugnayan, pagpuri, pagluwalhati, paghingi ng tawad, pasasalamat at pagtanaw ng utang ng loob sa AllahI – ang Dakilang Lumikha. Magkagayon, anumang oras mamatay ang tao, hindi siya dapat matakot o mangamba sapagka’t ginagampanan niya ang layunin ng pagkakalikha sa kanya – ang sumamba lamang sa AllahI.


Pagbibigay ng Zakat o Itinakdang Kawanggawa.

Ang Zakat ay iniutos ng AllahI bilang paglilinis sa naitabing yaman na umabot sa pamantayang sukat ng pagbabayad ng Zakat.  Ito’y tungkulin ng mga may kakayahan upang ibahagi ang dalawa’t kalahating bahagdan (2.5) ng natitira nilang yaman bilang paglilinis nito.  Ito ay nagsisilbing tulong sa mga naghihikahos at nangangailangan.

Ang Dakilang AllahI ay nagwika:
 
"As-Sadaqat (ang Kawanggawa) ay para lamang sa mga Fuqara (kapus-palad) at Al-Masakin (dukha) at yaong mga kawaning naglilikom (ng kawanggawa) at sa mga taong ang mga puso ay malalapit (sa Islam); at sa pagpapalaya ng mga bihag at sa mga may pagkakautang; at sa Landas ng Allah (Mujahideen na nakikipaglaban) at sa mga Naglalakbay (na nawalan ng kakayahang magpatuloy sa paglalakbay); isang tungkulin sa Allah.  At ang Allah ay Lubos na Maalam, Tigib ng Karunungan." (Qur’an At-Tawbah 9:60)

Ang hindi pagtupad sa tungkuling ito ay isang kasalanan at isang pananagutan sa AllahI sa Kabilang Buhay.  Dapat ding malaman na ang lahat ng karangyaang tinatamasa ay ipinagkaloob at ipinagkatiwala lamang sa tao, kaya nararapat gugulin ito sa paraang kalugud-lugod sa Dakilang AllahI. 

Pag-aayuno sa Buwan ng Ramadan.

Ang pag-aayuno ay ipinatutupad sa lahat ng Muslim na nasa tamang gulang, may mabuting kalusugan at may matinong pag-iisip. Ito ay ginagampanan bilang pagtupad sa utos ng AllahI. Ipinadarama nito ang pagkakapantay-pantay ng lahat. Ano man ang katayuan ng tao sa buhay, silang lahat ay umiiwas sa pagkain, inumin at maging sa pakikipagtalik sa asawa sa oras ng pag-aayuno.  Ito ay ginagampanan magmula sa pagbukang-liwayway hanggang takip-silim na may hangaring matamo ang dakilang biyaya o gantimpala mula sa AllahI.  Sa katunayan, ang pag-aayuno ay kautusan ng AllahI na Kanyang ipinatupad maging sa mga naunang Propeta at sa kanilang tagasunod. 

Ang Dakilang AllahI ay nagsabi:

O kayong Mananampalataya (mga Muslim)! Ang (pagsasakatuparan ng) Sawm (pag-aayuno) ay ipinag-uutos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna sa inyo upang kayo ay magkaroon ng (tunay na) takot (sa AllahI). Ang (pagsasakatuparan ng) Sawm (pag-aayuno) (ay) para sa itinakdang bilang ng araw subali’t sinuman sa inyo ang may karamdaman (sakit) o nasa paglalakbay, ang itinakdang bilang ng pag-aayuno ay dapat (ding) tuparin sa ibang araw (bilang kabayaran sa pagliban).  At sa mga taong (labis ang katandaan) nakakaranas ng kahirapan sa pag-aayuno, sila ay dapat magpakain ng isang dukha (kapalit ng pag-aayuno sa bawa’t araw). Subali’t, sinuman ang gumawa ng kabutihan ayon sa kanyang kakayahan, higit itong nakabubuti sa kanya.  At higit na mabuti sa inyo ang mag-ayuno kung inyo lamang nalalaman (ang kahalagahan at kabutihan nito). (Qur’an Al Baqarah 2:183-184)

Ang matapat na pagsagawa nito ay isinasaalang-alang bilang isang pagsamba ng tao sa AllahI nang may pagkilala at pag-asam na ang tanging magkakaloob ng biyaya sa kanya sa Kabilang Buhay ay ang AllahI lamang.

Hajj o Peregrinasyon (Paglalakbay sa Makkah).

Ang Hajj ay isang tungkulin na dapat isagawa ng isang Muslim minsan sa kanyang buong buhay. Sa pagsa-sagawa nito, ito ay may mga patakaran: a) kailangang siya ay nasa maayos o mabuting  kalusugan;  b) may sapat na salaping gugugulin;  k) nasa tama o matinong kaisipan.  Sa kababaihan, ang karagdagang patakaran ay ang pagkakaroon ng makakasama bilang kanyang tagapangalaga, katulong o alalay, halimbawa ang kanyang asawa, ama, anak na lalaki o kapatid na lalaki.

Ang Dakilang AllahI ay nagwika:

"…At ang Hajj sa Tahanan (Ka`bah) ay isang tungkulin (na dapat gampanan) ng sangkatauhan sa Allah, yaong may kakayahang gumugol (ng kanilang paglalakbay). At sinuman ang magtakwil (tungkol dito), samakatuwid, ang Allah ay walang pangangailangan ng anuman sa sinuman sa Kanyang mga nilikha…" (Surah Al Imran-3:97)

Ang Hajj ay ginagawa bilang paggunita sa aral ni Propeta Abraham (Ibrahim) na kinilalang Ama ng mga Mananampalataya. Sa pagsagawa ng Hajj, ipinadarama ang pagkakaisa ng mga mananampalataya at ang paglalarawan ng Araw ng Paghuhukom. Makikita ang pagkakaisa sa dahilang ang lahat ng nagsasagawa nito ay iisa ang kanilang kasuutan, iisa ang pamamaraan, iisa ang sinasamba at iisa ang layunin.  Silang lahat ay magkakapatid at walang sinuman ang natatangi sa kanila.  Silang lahat ay pantay-pantay at buong pusong humihiling sa AllahI na ipagkaloob sa kanila ang kaligayahan at kapayapaan sa mundong ito at higit sa lahat, ang ipagkaloob sa kanila ang Paraiso. Ipinadarama o ipinahihiwatig din dito ang Araw ng Paghuhukom sapagka’t ang sinumang nagsasagawa ng Hajj, ang  tanging  dala  niya  ay  ang  kanyang katawan lamang, ang nakatakip sa kanyang katawan at sapat na salapi upang gugulin habang isinasagawa ang mga pamamaraan nito.  Kung ang isang tao ay mayaman at maraming ari-arian, hindi niya ito madadala.  Paalaala din naman na kung siya ay babawian ng buhay, anuman ang kanyang nalikom na yaman ito’y kanyang iiwanan.