ANG PANINIWALA SA ALLAH AT SA KABILANG BUHAY ANG SIYANG SALIGAN NG LAHAT NG KABUTIHAN
Si Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat: Katotohanan, ang Sugo ng Allah () ay nagsabi: “Ang sinumang naniniwala sa Allah at sa Huling Araw ay marapat na magsabi ng mabuti o manahimik na lamang, at ang sinumang naniniwala sa Allah at sa Huling Araw ay huwag maminsala ng kanyang kapitbahay, at ang sinumang naniniwala sa Allah at sa Huling Araw ay dapat mag-aliw ng kanyang bisita”.
Al-Bukhari [Hadith Bilang: (6475)] Muslim [Hadith Bilang: 74 – (47)].
Ang taga-ulat ng Hadith na ito’y nabanggit na sa Hadith na ika-(13):
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Ang Hadith na ito ang pinakamalaking pamantayan sa mga pamantayan ng pangangalaga sa dila at sa pagkabukas-palad, kagandahang-loob at pagkakawanggawa.
2. Ang paniniwala sa Allah at sa Kabilang Buhay ang siyang saligan ng lahat ng Kabutihan, at ito rin ang nagbubunsod sa isang Muslim upang mapanatili ang takot at pagdakila sa Allah.
3. Itinuturo ng Hadith na ito ang pagsasabi ng mabuti, at ito’y ang lahat na ipinag-uutos ng Allah at ng Kanyang Sugo, maging ito ay kanais-nais o kaaya-aya.
4. Sadyang ang Islam ay pinapahalagahan ang mga karapatan ng kapitbahay at dinadakila ang katayuan nito, kaya inubliga nito ang isang Muslim na asikasuhin siya at pakitunguhan ng mahusay, at huwag pinsalain, maging ang kapitbahay ay Muslim o hindi.
5. Ang pag-aliw at pagharap sa bisita ay kabilang sa mga tanda ng kaganapan ng pananampalataya, at ito rin ay nagbibigay ng magandang halimbawa sa maliwanag na katangian sa mga kagandahang asal na siyang itinuturo at ipinanghihikayat ng Islam.
ANG BABALA SA KAWALANG-BAHALA
78- عَنْ أَبيْ هُرَيْرَةَ عَنِ النَّبيِّ أَنَّهُ قَالَ: "لاَ يُلْدَغُ الْمُؤْمِنُ مِنْ جُحْرٍ وَاحِدٍ مَرَّتَيْنِ". (صحيح البخاري, رقم الحديث 6133, وصحيح مسلم, رقم الحديث 63- (2998), واللفظ للبخاري).
78- Si Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat: Katotohanan, ang Propeta () ay nagsabi: “Ang isang mananampalataya ay hindi natutuklaw sa iisang butas ng dalawang beses”. Al-Bukhari [Hadith Bilang: (6133)] Muslim [Hadith Bilang: 63 – (2998)].
Ang taga-ulat ng Hadith na ito’y nabanggit na sa Hadith na ika-(13):
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Ipinag-uutos ng Hadith na ito sa isang Muslim na maging maingat, masinop at mapaghanda sa lahat ng panahon, hindi dapat nalilinlang nang dalawang beses sa iisang pangyayari at umiwas sa pagiging pabaya at paulit-ulit na pagkakamali.
2. Itinuturo ng Hadith na ito na ang likas sa tao ay ang gamitin niya ang kanyang isip at kunin ang mga kadahilanan na mag-uugnay dito sa mga pagdadahilanan at resulta; na kung saan ang Propeta () ay tumatanggap ng Kapahayagan, datapuwa’t sa kabila nito siya ay gumagawa pa rin ng mga kadahilanan; kaya siya ay nag-iisip at nagpaplano at nakikipag-tunggali sa kaaway sa kung anong mayroon siyang mga posibilidad.