BABALA SA PAGYAYABANG NG KASALANAN
- عَنْ أَبِي هُرَيْرَةَ رَضِيَ اللَّهُ عَنْهُ، يَقُوْلُ: سَمِعْتُ رَسُوْلَ اللَّهِ صَلَّى اللَّهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ يَقُوْلُ: "كُلُّ أُمَّتِي مُعَافًى إِلاَّ الْمُجَاهِرِينَ، وَإِنَّ مِنَ الْمُجَاهَرَةِ أَنْ يَعْمَلَ الرَّجُلُ بِاللَّيْلِ عَمَلاً، ثُمَّ يُصْبِحُ وَقَدْ سَتَرَهُ اللَّهُ؛ فَيَقُوْلُ: يَا فُلاَنُ، عَمِلْتُ الْبَارِحَةَ كَذَا وَكَذَا، وَقَدْ بَاتَ يَسْتُرُهُ رَبُّهُ، وَيُصْبِحُ يَكْشِفُ سِتْرَ اللَّهِ عَنْهُ ".
(صحيح البخاري، رقم الحديث 6069، واللفظ له، وصحيح مسلم، رقم الحديث 52 - (2990)،).
52- Si Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat, kanyang sinasabi: [Narinig ko ang Sugo ng Allah () na nagsasabi: “Lahat ng aking tagasunod ay maliligtas maliban sa mga taong nagsasawalat ng kanilang kasalanan; at ang ilan sa halimbawa ng pagsasawalat ng kasalanan ay ang paggawa ng kasalanan ng isang lalaki sa gabi, at pagkaraan ay pinagtakpan ito ng Allah sa kanya kinaumagahan; datapuwa’t isinisiwalat niya ito at nagsasabi pa: O ginoo! Kagabi ay ginawa ko ang ganito’t ganyan, samantalang pinagtakpan na ito sa kanya ng kanyang Panginoon noong nakaraang gabi, at siya namang ito kinaumagahan ay ibinubunyag ang pinagtakpan ng Allah sa kanya (na kasalanan)”]. Al-Bukhari [Hadith bilang: (6069)], Muslim [Hadith bilang: 52-(2990)].
Ang nag-ulat nito ay nabanggit na sa unang Hadith.
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Hinihikayat ng Islam ang isang Muslim na maging maagap sa pagtatakip (ng kanyang kasalanan) sa pamamagitan ng panakip ng Allah, at purihin niya ang Allah sa pagkakaligtas sa kanya, at pagsisihan niya ang lahat ng kasalanang kanyang nagawa na siyang naging dahilan ng pagkaroon ng agwat sa pagitan niya at ng kanyang Panginoon, at kapag siya ay nagbalik-loob sa Allah, siya ay patatawarin ng Allah at pagtatakpan ang mga salang nagawa niya sa mundo at sa huling araw.
2. Dapat lamang malaman ng isang Muslim na ang pagtatakip ng kasalanan ang siyang pinakamainam para sa kanyang sarili at ang hindi pag-amin ng kasalanan sa harapan ng isang namumuno o ninuman ng may masidhing pagpapasiyang magbalik-loob at pagsisihan ang kasalanan, at magkaroon ng layunin na hindi na niya babalikan ulit ang naturang kasalanan. Sa gayon, ito ang pinakamainam para sa kanya kaysa sa pag-amin niya ng kasalanan, sapagaka't katotohanang tinatanggap ng Allah ang pagsisisi ng isang tao kapag nagsisi sa kanyang pagkakasala at nagbalik-loob sa kanyang Panginoon nang buong katotohanan at tapat.
3. Ang salitang “Mu`afa” (o ligtas) sa Hadith na ito: Siya yaong iniligtas ng Allah mula sa kasamaan o kaparusahan. Na ang ibig sabihin ay yaong pinagkalooban ng Allah ng katiwasayan at kaligtasan mula sa isang bagay na hindi kanais-nais. At ang “Mujahir” naman (o nagsisiwalat) ay: Yaong nagsisiwalat ng kanyang kasalanan at nagbubunyag ng anumang sa kanya’y pinagtakpan na ng Allah, anupa’t inilalahad niya ito, kaya’t siya ay nakagagawa ng pang-iinsulto sa kadakilaan ng Allah. Samakatuwid ang pagsisiwalat ng kasalanan ay nagpapahiwatig ng kawalang-galang sa karapatan ng Allah at ng Kanyang Sugo (), na kung saan ang pagtatakip naman nito ay pagtamo ng katiwasayan at kaligtasan.