Ang Mga Pagkain

img

Marqoom

Danh mục :

Ngôn ngữ : Filipino

Lượt xem : 225

Thêm vào yêu thích : 0

Inatasan ng Allah ang Kanyang mga lingkod na kumain ng mga pagkaing nakabubuti at ipinagbawal Niya sa kanila ang mga pagkaing nakasasama. Sinasabi Niya (2:172): "O mga mananampalataya, kumain kayo ng mga nakabubuti na itinustos Namin sa inyo.…" 
Ang halos lahat ng pagkain ay ipinahihintulot maliban sa mga ipinagbawal. Ang Allah ay nagpahintulot sa Kanyang mga lingkod na mananampalataya na kumain ng mga nakabubuting pagkain upang pakinabangan nila ang mga ito. Hindi ipinahihintulot na gamitin ang mga biyaya ng Allah sa pagsuway. Nilinaw ng Allah sa Kanyang mga lingkod ang ipinagbawal Niya na mga pagkain at mga inumin. Sinasabi Niya (6:119): "…gayong ipinaliwanag Niya sa inyo na malinaw ang ipinagbawal Niya sa inyo, maliban doon sa kung kayo ay mapipilitan.…" 
Ang anumang hindi nilinaw na ipinagbabawal, ito ay Halal (ipinahihintulot ng Allah). Nagsabi naman ang Propeta (SAS): "Tunay na ang Allah ay nagsatungkulin ng mga tungkulin, kaya huwag ninyong ipagpawalang-bahala ang mga ito; nagtakda ng mga hangganan, kaya huwag ninyong lampasan ang mga ito; nagbawal ng ilang mga bagay, kaya huwag ninyong labagin ang mga ito; nanahimik sa ibang mga bagay bilang awa sa inyo—hindi sanhi ng pagkalimot, kaya huwag na ninyong usisain ang mga iyon.”
Samakatuwid, ang bawat bagay, tulad ng mga pagkain, mga inumin, at mga kasuutan, na hindi nilinaw ng Allah o kaya’y ang Kanyang Sugo (SAS) ang pagbabawal nito ay hindi ipinahihintulot na ipagbawal ito. Ang patakaran ay ganito: ang bawat pagkain na Tahir (itinuturing na malinis sa Islam kaya naman ipinahihintulot na kainin) na hindi nakapipinsala ay ipinahihintulot; taliwas sa mga pagkaing Najis (itinuturing na marumi sa Islam, kaya naman ipinagbabawal na kainin) gaya ng patay na hayop, dugo, nakalalasing na inumin, sigarilyo, at pagkaing nahaluan ng bagay na Najis dahil ang mga ito ay ipinagbabawal sapagkat nakasasama at nakapipinsala. 
Ang ibig sabihin ng patay na hayop ay ang hayop na naalisan ng buhay nang hindi ayon sa pagkakatay na itinatagubilin ng Islam. Ang dugo na ipinagbabawal ay ang dugong lumalabas sa hayop kapag kinakatay. Ang dugong naiiwan sa loob ng karne matapos katayin at ang dugong natitira sa mga ugat ay ipinahihintulot kainin.