MGA SIPI TUNGKOL KAY PROPETA MUHAMMAD

img

Marqoom

Danh mục :

Ngôn ngữ : Filipino

Lượt xem : 42

Thêm vào yêu thích : 0

Maraming magagandang bagay ang naisulat tungkol kay Propeta Muhammad (nawa’y mapasakanya ang kapayapaan at pagpapala ni Allah). Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga pahayag ng mga kilalang tao:

Si Lamartine (sikat na mananaysay) ay nagwika: “Kung ang kadakilaan ng layunin, kaliitan ng pamamaraan at kamangha-manghang resulta ang tatlong batayan ng kadalubhasaan ng tao, sino kaya ang may lakas ng loob na ihambing sa alinmang mga dakilang tao sa modernong panahon kay Muhammad?“

Sinabi pa niya: “Tungkol sa lahat ng mga pamantayan na maaaring masukat ang kadakilaan ng tao, maaari nating itanong, may iba pa bang makahihigit sa kanya?“
(Histoire De La Turqvui, Paris 1854 – Vol. II, pp. 276 – 277)

Sa aklat ni Michael H. Hart na ’The 100: A Ranking of the Most Influential Persons in History’, ay kanyang sinabi: “ang pagpili ko kay Muhammad upang manguna sa listahan ng mga pinakamaimpluwensiyang tao sa buong mundo ay maaaring makagulat sa ilang mga mambabasa at maaaring magdalawang-isip ang iba, subalit siya lamang ang natatanging tao sa kasaysayan na naging matagumpay sa larangan ng relihiyon at sekular.“

Idinagdag pa niya: “...itong hindi mapapantayang kombinasyon ng impluwensiyang sekular at relihiyon ang naghatid sa akin upang hirangin na siya ang pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan ng sangkatauhan.“ (p.40)

Sa aklat ni Sir George Bernard Shaw na ’The Genuine Islam’ ay kanyang binanggit: “Ako’y naniniwala na kung ang isang taong katulad niya ang gampanan ng pamumuno ng makabagong panahon, siya ay magtatagumpay sa paglutas ng mga problema nito na magdadala sa mundong ito ng kapayapaan at kaligayahan.“

Idinagdag pa ni Shaw: “Sa ngayon, siya ang pinakapambihirang tao na umapak dito sa mundo. Nangaral siya ng relihiyon, nagtatag ng estado, nagtayo ng nasyon, naglatag ng batas-moral, nagpasimula ng napakaraming pagbabagong panlipunan at politikal, nagtibay ng malakas at matibay na lipunan upang isagawa ang kanyang mga katuruan at kumpletong paglabanan ang mundo ng pag-iisip ng tao at kaugalian ng lahat ng panahon na darating.“
(The Genuine Islam, Vol. 1, 1936)

Binanggit ni Mahatma Gandhi: “Lalo akong naging kumbinsido na hindi espada ang dahilan ng pagkakaroon ng matatag na lugar para sa Islam noong panahong iyon. Ito ay dahil sa pagiging payak at pagpapakumbaba ng Propetang yaon, masusi niyang pagmamasid sa kanyang mga pangako, kanyang labis na malasakit sa kanyang mga kaibigan at mga tagasunod, kabuuan ng kanyang loob, kanyang katapangan, kanyang ganap na pananalig sa Diyos at sa kanyang misyon.“

Naniniwala si Wolfgang Goethe (pinakatanyag na makata ng Europa) na:
“Siya ay isang propeta at hindi isang makata, kaya ang kanyang Qur-an ay maituturing na isang banal na batas at hindi bilang isang aklat na gawa ng tao, na isinulat para sa edukasyon o libangan.“

Nabanggit sa Encyclopedia Britannica (Vol.12) na: “Maraming detalye mula sa mga naunang pinanggalingan ang nagpapakita na siya ay isang tapat at makatarungang tao na nakakamit ng paggalang at katapatang-loob ng ibang tao na katulad din niyang magagalang at matatapat.“ “... Si Muhammad ang pinakamatagumpay sa lahat ng Propeta at sa lahat ng mga personalidad ng mga relihiyon.”

Si Thomas Carlyle, sa kanyang aklat na ‘Heroes and Hero-worship’, ay nagsabi: “Paanong ang iisang tao’y gawin ang nag-aaway na mga tribo at mga taga-disyerto na isang pinakamalakas at pinakasibilisadong nasyon sa loob lamang ng dalawang dekada.” “…Ang mga kasinungalingan (paninirang-puri ng mga taga Kanluran) na kung saan ang magandang loob na pagsisikap ay umapaw sa palibot ng lalakeng ito (Muhammad) ay kahiya-hiya sa atin ring mga sarili.”

Si John Esposito (isang Propesor ng relihiyon at pandaigdigang kapakanan, tagapamahala ng Center for International Studies at the College of the Holy Cross, at Founding Director ng PABT Center for Muslim-Christian Understanding, Georgetown University, USA) ay nagsabi sa kanyang aklat ‘Islam: The Straight Path’: “Si Muhammad ay kabilang sa mga dakilang personalidad na pangrelihiyon, mga propeta kung saan ang kanyang di matatawarang kaugalian ay naghatid ng di-pangkaraniwang pagtitiwala at pananalig. Ang kanyang kahanga-hangang tagumpay sa paghikayat ng mga tagasunod at paglikha ng estado na pumangibabaw sa Arabia ay hindi lamang dahil siya ay sundalong magaling ang pamamaraan kung hindi dahil siya ay di-pangkaraniwang tao… Kinilala si Muhammad ng kanyang mga tagasunod bilang isang mabuti, mapagkakatiwalaan, may takot sa Diyos, matapat at mahabagin.” (Esposito 2004)
Nilinaw rin niya na: “Hindi si Muhammad ang nagtatag ng Islam, at hindi rin siya nagsimula ng bagong relihiyon.”
At binigyang diin ni Prof. Esposito ang katotohanan na: “Ang Islam ay naghatid ng pagbabago, ito ay muling pag-anyaya sa ganap na pagsuko kay Allah at pagsasakatuparan ng Kanyang mga kagustuhan na inihayag sa kanyang ganap na anyo kay Muhammad, ang kahuli-hulihan o selyo ng lahat ng mga Propeta. Para kay Muhammad, ang Islam ay hindi bagong pananampalataya bagkus ito ay pagpapanumbalik sa totoong pananampalataya…”