Mga Pangunahing Aral ng Islam Bilang Gawaing Pagsamba

img

Marqoom

Danh mục :

Ngôn ngữ : Filipino

Lượt xem : 17

Thêm vào yêu thích : 0


Ang Islam ay nagtuturo lamang ng matapat at tuwirang pagsamba sa AllahI – ang Dakilang Lumikha.  Siya ang lumikha ng lahat ng bagay na ating nakikita at di-nakikita. Siya ang nagbigay buhay sa lahat at Siya lamang ang tanging nakaaalam kung kailan Niya babawian ng buhay ang tao.  Kaya nararapat lamang na kung Sino ang nagbigay ng buhay sa tao, Siya lamang ang tanging dapat pag-ukulan ng pagsamba.

Sa Islam, bilang bahagi ng pagsamba, kailangang paniwalaan nang buong katapatan ang mga sumusunod:

Paniniwala at Pagsamba Lamang sa Allah.  

Ito ay nangangahulugan na ang AllahI lamang ang dapat sambahin sapagka’t tanging Siya lamang ang Panginoong Diyos na Lumikha at nagbigay buhay sa lahat.  Siya ang Nag-iisang Tagapaglikha, at ang lahat ay Kanyang Nilikha. Ang pagsamba sa Kanya ay nararapat na naaayon sa Kanyang utos at ayon sa pagtuturo at pamamaraan ng mga Propetang Kanyang isinugo.  Ito ang dahilan kung bakit Siya nagpadala ng mga Sugo at Propeta.  Ang mga Propeta ang nagturo kung Sino ang tunay na Diyos at kung papaano Siya dapat sambahin.  Kaya naman, ang mga katuruan at pamamaraan ng mga Propeta ang dapat na maging batayan natin sa pagsamba sa AllahI.

Paniniwala sa mga Anghel.

Ang mga Anghel ay nilikha ng AllahI mula sa liwanag.  Mayroon silang iba’t ibang tungkulin na ginagampanan ayon sa pag-uutos ng AllahI. Mayroon sa kanila ang nagtatala sa lahat ng mabubuting gawa ng tao at mayroon ding nagtatala ng masasamang gawa. Ang talaang ito, ang siyang ihaharap sa tao sa darating na Araw ng Paghuhukom.  Kung matimbang ang kabutihang kanyang nagawa, siya ay mapupunta sa Paraiso. Subali’t kung matimbang ang masamang nagawa, siya’y mapu-punta sa Impiyerno. Katotohanang ang lahat ng ginagawa ng tao ay walang makalalampas, bagkus naisusulat ng Anghel.

Paniniwala sa Lahat ng Orihinal na Kapahayagan.

Ang AllahI ay nagpadala ng mga Kapahayagan at Kautusan sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta sa kani-kanilang panahon. Siya ay nagpadala ng kapahayagan kay Propeta Abraham (Ibrahim) na tinatawag na Suhuf o Kalatas; kay Propeta David (Dawood) ay ibinigay ang Zabur o Psalmo; kay Propeta Moises (Musa) ay ipinahayag ang Torah o Batas; kay Propeta Hesus (Eisa) ay ipinadala ang Injeel o Ebanghelyo (Magandang Balita) at kay Propeta Muhammad ay ipinahayag ang Qur’an. Nararapat na paniwalaan ang lahat ng orihinal na mga naturang kapahayagan, sapagka’t ang AllahI ang nagpadala sa mga ito. Nguni’t sa mga kapahayagang nabanggit, tanging ang Qur’an na lamang ang nananatili sa orihinal na anyo.  Ito ay puro at dalisay na Salita ng AllahI bilang patnubay sa tunay na mananampalataya na nagmamahal at sumasamba sa Kanya, sa pamamagitan ng pagsunod, pagsuko at pagtalima sa mga utos na napapaloob dito.

Ang Banal na Qur’an ay ipinahayag sa huling Propeta na si Muhammad sa kanyang sariling wikang Arabik.  Kung mayroon mang pagsasalin sa iba’t ibang wika, ang orihinal na wikang Arabik ay naroroon pa rin. Ang pananatili ng Qur’an sa orihinal nitong anyo ay nangyari, sapagka’t ang Dakilang Lumikha mismo ang nangako na ito (Qur’an) ay Kanyang pangangalagaan laban sa anumang pagbabago o paninira na maaaring gawin ng tao.

Ating matutunghayan sa Banal na Qur’an:

Ito ang Aklat (Qur’an), na (kung saan ay) walang pag-aalinlangan, isang patnubay sa mga may takot sa Allah.  (Qur’an Al-Baqarah-2:2)

Gayundin, nasusulat sa Banal na Qur’an:

Kototohanan, Aming ibinaba ang Dhikr (ang Qur’an) at katiyakan, pangangalagaan Namin ito (laban sa katiwalian).  (Qur’an Al-Hijr-15:9)

Paniniwala sa mga Propeta Nang Walang 
Pagtatangi-tangi.

Ang AllahI ay nagpadala ng mga Sugo at Propeta upang ituro nila sa tao kung papaano isakatuparan ang tunay at wagas na pagsamba sa Kanya (AllahI). Ang lahat ng Propeta ay nararapat sundin, tularan at pamarisan sapagka’t sila ang tamang daan, ilaw at gabay tungo sa tamang pagsamba sa Dakilang Lumikha. Sa katotohanan, ang lahat ng Propeta ay mga Muslim, sapagka’t silang lahat ay nagturo ng pagsamba lamang sa Nag-iisang Tunay na Diyos (AllahI). Ang kanilang sinasamba ay iisa at maging ang pamamaraan ng kanilang pagsamba ay isa. Ang pagsamba ng tao ay tatanggapin lamang ng AllahI kung ito ay ayon sa pamamaraan na itinuro at ginawa ng mga Propetang Kanyang isinugo. Ang pamamaraan ng pagsamba sa AllahI ay pinagbuklod at nagkaroon ng kaganapan sa mga itinuro ng Kanyang huling Propeta na si Muhammad. Kaya sa pamamagitan ng matapat na pagsunod kay Propeta Muhammad, makaaasa ang tao ng Paraiso – ang tunay na tagumpay sa darating na Araw ng Paghuhukom.

Paniniwala sa Araw ng Paghuhukom

Mahalaga ang maniwala sa Araw ng Paghuhukom sapagka’t katotohanang ang lahat ng nilikha ay mamamatay. Kung hindi paniniwalaan ng tao ang Araw ng Paghuhukom, ang buhay sa mundong ito ay walang saysay o kabuluhan. Walang alinlangang maraming tao ang gumagawa ng mabuti subali’t hindi nagagan-timpalaan, at marami rin namang gumagawa ng masama na hindi napaparusahan. Sa bawa’t araw sa buong daigdig, maraming pangyayari ang nagaganap sa buhay ng tao – may mabuti at masama, nguni’t ang tao ay hindi nagagawaran ng tunay na katarungan. 

Sadyang napakaraming pangyayari ang ating nasasak-sihan at nababalitaan katulad ng pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa at iba’t ibang karahasan. Atin ding mapapansin na kapag ang salarin ay masalapi o maimpluwensya, na dapat sanang hatulan ng habang-buhay na pagkakulong o kamatayan, siya’y nakaliligtas at napawawalang-sala.

Ang mga ganitong kaganapan ay lantad na sa lipunan. Dahil dito, nananatiling api ang mga biktima ng ganitong di-makatarungang pangyayari. Nguni’t kung ang tao’y naniniwala sa Araw ng Paghuhukom, katiyakang sa Araw na iyon lamang igagawad at matatamo ang tunay na kabayaran mula sa AllahI – ang Dakila at Tanging Hukom.

Sa Banal na Qur’an, ang Dakilang AllahI ay nagwika:

Ang bawa’t kaluluwa ay makararanas ng kamatayan at sa Araw ng Pagkabuhay muli lamang kayo bibigyan ng buong kabayaran.  (Surah Al-‘Imraan-3:185)

Paniniwala sa Tadhana (Qadar).

Ating mapapansin na may mga bagay tayong minimithi sa buhay na hindi natin makamtan sa kabila ng ating pagsusumikap. May mga pangyayaring hindi kanais-nais subali’t dumarating sa buhay natin gaano man ang ating pag-iingat.  Ang mga ito ay bahagi ng Tadhana (Qadar).  Nararapat tanggapin ng tao ang lahat ng nangyayari sa kanyang sarili, mabuti man o masama. Ang lahat ng nagaganap ay pinapangyari ng AllahI. Magkagayon, ang tao ay magkakaroon ng kapanatagan at kapayapaan sa sarili kung tinatanggap at pinaniniwalaan niya nang tapat na ang lahat na nangyayari sa kanyang buhay ay naitakda na. Kung mabuti ang nangyayari, siya’y nagpa-pasalamat at kung hindi naman, siya’y nagtitiis.  At sa kanyang pagiging mapagpasalamat at pagkamatiisin, siya ay bibiyayaan ng AllahI sa Kabilang Buhay. Dapat paniwalaan din ng tao na kahit hindi niya nakikita ang AllahI, siya naman ay nakikita Niya.  Kaya hindi dapat isipin ng tao na mayroong nakalalampas sa kanyang mga ginagawa dahil ganap na nakikita, naririnig at nalalaman ng AllahI ang lahat, maging ito ay lingid sa kaalaman ng Kanyang mga nilikha.

Sa Banal na Qur’an, ang AllahI ay nagwika:

…Batid Niya ang nangyari sa kanila (sa mundong ito) at ang mangyayari sa kanila (sa Kabilang Buhay), at kailanma’y hindi nila matatarok ang anumang Kaalaman Niya maliban lamang kung nanaisin niya.   Ang Kanyang Kursi (Luklukan) ay abot ang mga kalangitan at kalupaan.  At Siya ay hindi nakadarama ng kapaguran sa pangangalaga at pagpapanatili sa kanila.  Sapagka’t Siya ang Kataas-taasan, ang Dakila.   (Qur’an Al-Baqarah-2:255)

Karagdagan sa mga naturang anim (6) na paniniwala, ang Islam ay may limang (5) haligi na dapat gampanan o isabuhay ng isang tunay na mananampalataya bilang pagsamba sa AllahI. Sa pagsasabuhay ng mga ito, makaaasa ang tao ng mabuting gantimpala mula sa AllahI sa Kabilang Buhay – sa Araw ng Paghuhukom.