ANG MGA PANALANGIN NA TINUTUGUNAN
Si Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat, kanyang sinabi: Ang Sugo ng Allah () ay nagsabi: "May tatlong panalangin na tinutugunan nang walang pag-aalinlangan: ang panalangin ng naaapi, ang panalangin ng naglalakbay, at ang panalangin ng magulang sa kanyang anak".
At-Tirmidhi [Hadith Bilang: (1905)] Abu Daud [Hadith Bilang: (1536)] Ibnu Majah [Hadith Bilang: (3862)].
Ang taga-ulat ng Hadith na ito’y nabanggit na sa Hadith na ika-(13):
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Ang panalangin ng naaapi ay tinutugon kahit na ang naaapi ay hindi Muslim, samakatwid tinutugon pa rin ng Allah ang kanyang panalangin alang-alang sa katarungan.
2. Ang panalangin ng naglalakbay ay tinutugon kaya nararapat lamang na samantalahin ng naglalakbay ang pagkakataon na ito para sa panalangin habang naglalakbay; datapwa’t kapag ang paglalakbay ay para sa pagsamba tulad ng Umrah at Hajj ay mas malaki ang pag-asang tugunin sa kapahintulutan ng Allah.
3. Ang panalangin ng magulang para sa kanyang anak ay tinutugon dahil nananalangin siya sa Allah mula sa kaibuturan ng kanyang puso bilang awa at pagmamahal sa kanya, at gayun din kung ang panalanging ito ay laban sa kanyang anak, magkagayun dapat iwasan ng magulang na manalangin laban sa kanyang anak.