ANG TAO SA ILALIM NG "FITRAH"

img

Marqoom

Danh mục :

Ngôn ngữ : Filipino

Lượt xem : 185

Thêm vào yêu thích : 0

Ang tao ay sumasailalim sa Likas na pagsunod, simula pa nang isilang siya ng kanyang ina, at siya ay nakasalig sa pagpapala at paggabay ng Allah (swt). Sa panahong ito, siya ay hindi sumusuway sa lahat ng kautusang itinakda ng Diyos sa kanya hanggang sa sapitin niya ang tamang gulang at kaisipan.

Sa bahaging ito ng buhay ng tao siya ay nasa ilalim ng tinatawag na "FITRAH" (Arabic) na ang kahulugan ay, Likas na pagsunod ng tao sa kalooban ng Diyos (Natural inclination of man to obey God). Ang kalagayang ito ng tao sa ilalim ng "FITRAH" ay hindi nawawala, nguni’t maaaring malihis, malayo o maligaw.

Sa dahilang ang bata ay wala pang lakas at hindi pa wasto ang kaisipan at talino upang pumili at magpasiya ayon sa kanyang sariling kagustuhan, siya ay sunud-sunuran lamang sa lahat ng nais gawin ng kanyang mga magulang, o mga taong nag-aruga at nagpalaki sa kanya. Ang mga tao sa kanyang paligid ang siyang may kakayahang mag-akay sa kanya sa tama o maling landas ng pagsamba.

Sa isang Hadith ni Propeta Muhammad (sas), siya ay nagsabi: "Ang bawa't sanggol ay ipinanganak sa ilalim ng FITRAH, nguni't ginawa siya ng kanyang mga magulang na isang Hudyo, Kristiyano, o Pagano...” (Sahih Muslim - English trans. vol. 4, page 1398 # 6423)

Magkagayon, kung ang isang tao ay mabuhay na nag-iisa at lumaking malayo sa anumang sibilisasyon, mamumuhay siyang sumasamba sa nag-iisang Diyos na sa kanya ay Lumikha. Kaya’t kailanman ay hindi mangyayaring siya ay maging isang Hudyo, Kristiyano, o isang Pagano (tulad ng Hindu o Buddismo). Katiyakan na ang kanyang sasambahin ay ang nag-iisang Diyos na may likha ng Langit at Lupa at ng lahat ng mga nilikha, sapagka’t ito ang kanyang Likas na relihiyon. Ito’y sapagka’t ang kanyang Fitrah (Likas na Pagsunod) sa Diyos ay hindi nabahiran ng maling katuruan.

Tulad ng katawan ng bata o ng tao, sa simula ay nagpapasakop sa mga batas na itinakda ng Allah (swt). Ganoon din naman, ang kanyang puso at kaluluwa ay nagnanais na tumalima, sumunod at magpasakop sa Allah (swt). Nguni't ang kanyang mga magulang o mga tagapag-alaga na nagpalaki sa kanya ay tinuruan siyang sumunod sa kanilang mga pansariling paniniwala. Ang mga panini-walang ito ay turo at utos lamang ng tao, hindi utos ng Lumikha. 

Sa paglaki ng bata at sa kanyang pagtanda, kadalasa’y hindi piniling kusa ang relihiyong  kanyang sinusunod, bagkus ang relihiyon na gawa at turo lamang ng kanyang kapwa.

Magkagayunman, sa sandaling sapitin na ng tao ang wastong gulang at kaisipan, at may kakayahan na siyang pumili ng tama sa mali, dapat na niyang alamin ang buong katotohanan. Nararapat siyang pumili at magpasiya ayon sa sariling kalooban at kaisipan. Tungkulin niyang piliin at sundin ang tunay na relihiyon na ibinigay ng Allah (swt), ang pagpapasakop lamang sa Kanya. Sa kalagayang ito, siya ay sasailalim na sa "Kusang-loob na pagsunod" (willful obedience) sa Allah (swt).

"At ipinakita Namin sa kanya ang dalawang landas (mabuti at masama).” Qur’an 90:10

BABALA! Sa bahaging ito ng buhay ng tao, si Satanas ay gagawa ng lahat ng paraan upang ang tao ay mapanatili niya sa maling relihiyon. Gagamitin ni Satanas ang mga magulang, kapatid, asawa, anak, kamag-anak, kaibigan, trabaho, kapitbahay, at iba pa, upang mapanatili niya ang tao sa maling relihiyon na kanyang kinagisnan.

Dito masusubukan ang pagpapasiya ng isang tao kung papaano niya gagamitin ang kalayaang pumili ng tamang relihiyon na nakalulugod sa Diyos na lumikha sa kanya. Katotohanang may malaking bilang ng tao ang nagsasabing mayroon silang sinusunod na relihiyon. Nguni’t ang relihiyon na kanilang pinaniniwalaan ay hindi nila pinili. Ito'y kinagisnan lamang nila o ipinayakap sa kanila. Hindi sila ang pumili at hindi rin sila ang nagpasiya.

Ang bawa't tao ay pinagkalooban ng Allah (swt) ng layang pumili, subali’t ginamit ba ang kalayaang ito? 

Ikaw ba ay kabilang sa mga taong hindi pinili ang relihiyong sinusunod at pinaniniwalaan?

Kung pipiliin mong sundin ang "FITRAH", ang iyong likas na Pagsunod at pagsamba sa nag-iisang Diyos - ang Allah (swt), ikaw ay tutulungan Niya, sapagka’t nasasaad sa Banal na Qur'an: "At sinuman ang naisin ng Allah na patnubayan, bubuksan Niya ang dibdib sa Islam...”  Qur'an 6:125 

Alalahanin: Ito ang dalawang uri ng pagsunod, Likas at Kusang-Loob. 

Dapat nating tandaan na walang nilalang sa sanlibutan na nilikha ng Allah (swt), maging ito ay gumagalaw o hindi, may hininga o wala, nag-iisip o hindi, at maging Jinn o tao, ang hindi nasasakop ng ibinigay Niyang relihiyon - ang Islam, na nagtuturo ng pagsamba lamang sa Allah (swt). Ating matutunghayan sa Banal na Qur’an:

"Hindi Ko nilikha ang Jinn at ang tao maliban na Ako ay  kanilang sambahin.” Qur’an 51:56

Ang ISLAM ay relihiyong hindi bago, hindi rin magbabago, at lalong hindi maluluma o lilipasan ng panahon. Ito'y mananatili magpakailanman bilang tanging pagsamba sa nag-iisang Diyos - ang Allah (swt) .

Ito ang relihiyon na hindi lamang para sa mga tao, bagkus ito ay relihiyon din ng lahat ng nilikha maging sa langit, sa lupa o nasa tubig, sila ay sasamba at magpupuri sa Allah (swt) na lumikha sa kanila.

"Sila ba ay naghahanap pa ng iba liban sa relihiyon ng Allah, samantalang ang lahat ng nilikha, sa langit man o sa lupa ay sumusunod sa Kanya, kusa man o hindi, at sa Kanya ang lahat ay magbabalik. " Qur'an 3:83 

"Ang pitong langit at ang lupa at ang lahat ng naroroon ay nagpupuri sa Kanya, at walang anumang nilikha na hindi nag-aalay ng pagsamba sa Kanya; nguni’t ang kanilang papuri ay hindi ninyo nauunawaan." Qur'an 17:44

"Matuwa ang langit at magalak ang lupa; humugong ang dagat, at ang buong naroon; sumaya ang bukirin at lahat na nasa kanya; kung magkagayon aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punong kahoy sa gubat; sa harap ng Panginoon; sapagka't Siya'y dumarating." (Bibliya) Salmo 96:11-13

Ang mga talatang ito sa Banal na Qur'an at maging sa Bibliya ay isang matibay na patotoo na walang partikular na nilikha ang hindi nagpupuri sa Allah (swt) at sumasamba sa Kanya, tunay na ang lahat ay nasa ilalim ng relihiyong Islam.

Dịch vụ AI