Natatandaan mo pa ba ang nabanggit sa Unang Bahagi (Tuktok Lamang ng Bundok ng Yelo) ng aklat na ito? Ang mga konseptong nabanggit doon ay base sa patnubay ng Qur-an at mga salita ni Propeta Muhammad. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga halimbawa ng mga salita ni Propeta Muhammad para lamang ating masulyapan ang ganda, kadakilaan at tamis nito.
- Ang mabuting salita ay kawanggawa.
- Ang tapat na pagngiti ay kawanggawa.
- Ang pinakamainam sa inyo ay ang may pinakamagandang pag-uugali.
- Ang pagtanggal ng isang nakapipinsalang bagay sa daan ay kawanggawa.
- Ang pinakamabuting aspeto ng pananampalataya ay pagtitimpi at pagpaparaya.
- Isang lalake ang nagtanong sa Sugo ni Allah: “Anong aspeto ng Islam ang pinakakanais-nais?” Siya’y sumagot: “Pagbibigay ng pagkain at pagbati sa iyong kakilala at hindi mo kakilala.”
Karagdagan pa, sinabi rin ni Propeta Muhammad (nawa’y mapasakanya ang kapayapaan at pagpapala ni Allah):
- Ang Mahabaging Allah ay may habag sa mga taong mahabagin. Kung magiging mahabagin ka sa kaninuman sa mga nasa mundo, Siya na nasa langit ay magiging mahabagin sa iyo.
- Hindi ganap na mananampalataya ang isa sa inyo hangga’t hindi niya naisin para sa kanyang kapwa ang anumang ninanais niya para sa kanyang sarili.
- Siya na busog habang ang kanyang kapit-bahay ay pupunta sa kanyang higaan ng gutom ay hindi ganap na mananampalataya.
- Ang malakas ay hindi yaong magaling sa pakikipagtumbahan, bagkus ang malakas ay yaong napipigil niya ang kanyang sarili mula sa galit.
- Katotohanang si Allah ay hindi Niya tinitingnan ang inyong mga katawan at ang inyong mga anyo subalit tinitingnan Niya ang inyong mga puso at ang inyo mga gawa.
- Ang pinakamainam sa inyo ay yaong pinakamabuti sa kanyang pamilya, at ako ang pinakamabuti sa inyo sa kanyang pamilya.
- Ang pinakamainam sa inyo ay yaong pinakamabuti sa kanyang asawa.
- Ang pinakamabuti sa Islam ay yaong mabait (marahan) at mapagparaya.
- Ang pinakamabuting tao ay yaong may pinakamalaking pakinabang sa sangkatauhan.
Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng napakaganda at mala-gintong pananalita ni Propeta Muhammad.
Bilang pagsasagawa sa kanyang mga sinabi at itinuro, kanyang mga kaugalian at pakikitungo sa iba ay sumasalamin sa kanyang espesyal at natatanging katauhan sa kanyang moral, habag, katapatan, sinseridad, kabaitan, pagiging makatotohanan, pagpapakumbaba, pagiging mapagbigay, pagiging mapagpatawad, pagtitimpi at iba pang mga magaganda niyang katangian. Ang mga kuwento, halimbawa at mga katibayan ng kabigha-bighaning katauhan ng huling Propeta ay sadyang napakarami para mabanggit lahat dito. Magbigay lamang tayo ng ilang halimbawa.
- Pagkatapos na siya ay tanggihan ng kanyang mga kaaway sa Makkah at di paniwalaan ang kanyang mensaheng Islam…
- Pagkatapos siyang apihin, maltratuhin, at subukin siyang patayin ng ilang beses…
- Pagkatapos siyang pagmalupitan, pahirapan at pataying ang ilan sa kanyang mga tagasunod at mga minamahal sa buhay...
- Pagkatapos siyang labanan at ang kanyang mga kasamahan, at paalisin sila sa kanilang mga tahanan, mga ari-arian at lupa...
Ano ang naging sagot ni Muhammad sa kanyang mga kaaway sa Makkah nang pasukin niya ito at palayain mula sa paganismo at pagsamba sa mga diyus-diyosan?
Sa pagbangon ng dakilang tagumpay ni Muhammad at ng mga Muslim, at sa rurok ng kanilang kasiyahan at kaligayahan ng pagbabalik sa kanilang tahanan, sa banal na siyudad ng Makkah, tinipon ni Propeta Muhammad ang mga taga-Makkah na mga nangangamba na baka sila’y saktan o patayin bilang ganti sa mga nakaraang ginawa nila na pag-abuso at pagpatay sa mga Muslim.
Tinanong sila ni Muhammad: “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ko sa inyo?“ Sila ay sumagot: “Ikaw ay may magandang loob na kapatid at anak ng kagalang-galang na kapatid namin.“ At pagkatapos, ang mabait, mapagparaya, may magandang loob at mahabaging propeta ay pinatawad sila at nagsabing: “Walang parusa ang darating sa inyo. Maaari kayong tumungo (sa inyong nais). Kayo ay malaya.”
- Nakakita ka na ba ng ganyang uri ng tagpo?
- Nakarinig ka na ba ng ganyang kuwento?
- Nararamdaman mo ba ang habag at awa ng Propeta?
Bilang pagpapaliwanag sa kaganapang ito, sinabi ni Prof. John Esposito: “Imbes na maghiganti at maging mapanakop, ang Propeta ay nagpahayag ng pakikipagkasundo, at naggawad ng amnestiya imbes din na gamitan niya ng espada ang kanyang mga dating kaaway. Dahil doon, ang mga taga-Makkah ay yumakap sa Islam, tinanggap ang pamumuno ni Muhammad at napabilang sa Ummah (komunidad ng mga Muslim).
Sa kabaligtaran naman, nababatid mo ba ang ginagawa ng mga ‘super-power’ na bansa sa kanilang di-makatarungang pag-atake at pananakop, sa buong kasaysayan?
Sa katunayan, habang lalo nating natutuklasan ang buhay ni Muhammad, ay lalo nating nakikilala ang napakaganda nitong pagkatao at katangian, at siya sa katunayan “ay isinugo bilang habag sa sangkatauhan” (Banal na Qur-an, 21:107).
Sinabi ni Propeta Muhammad: “Ako’y pinadala upang lubusin ang mga magagandang pag-uugali.”
Bilang katiyakan sa katotohanang ito, binanggit sa Banal na Qur-an: “At katotohanang ikaw (Muhammad) ay nag-aangkin ng napakataas na antas ng pag-uugali.“ (68:4)