58- Si Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat, siya ay nagsabi: Binanggit ng Sugo ng Allah () ang Hilal (ang bagong buwan ng Ramadan); at kanyang sinabi: “Kapag nakita ninyo ito ay mag-ayuno na kayo; at kapag muli ninyo itong nakita ay tapusin na ninyo ang pag-aayuno; datapuwa’t kapag naging maulap para sa inyo (ang langit), buuhin ninyo ng tatlumpung araw ang bilang (ng buwan ng Sha'ban)”. Muslim [Hadith Bilang: 20 – (1081)].
Ang taga-ulat ng Hadith na ito’y nabanggit na sa Hadith na ika-(13):
Ang mga kapakinabangan sa Hadith na ito:
1. Ang nakukuhang pakinabang mula sa Hadith na ito ay hindi ipinapahintulot ang pag-aayuno sa pinag-aalinlangang araw (ang ika-29 araw ng Sha’ban), gayundin ang ika-(30) araw ng Sha’ban kung naging maulap ang gabi nito.
2. Hindi ipinapahintulot na mag-ayuno sa buwan ng Ramadan maliban kung ito ay sumapit na at nabatid ang pagsapit nito sa pamamagitan ng pagkita sa bagong buwan (ng Ramadan) o may sumaksi na nakita ang bagong buwan, datapuwa’t kapag naging maulap ang (langit sa) gabi nito ay kailangang buuhin ng tatlumpong araw ang bilang ng buwan ng Sha’ban.