ANG MGA PROPETA NG ALLAH

img

Marqoom

分类 :

语言 : Filipino

浏览 : 167

添加到收藏 : 0


Pagkaraang likhain sina Adan at Eba at sa paglipas ng mga salinlahi ng tao, ang Allah(U) ay nagpadala ng maraming Propeta upang ituro sa tao ang tamang pagsamba sa Tangi at Nag-iisang Tunay na Diyos.

Sila ang naging daan upang malaman ng tao ang tungkol sa Diyos, sa Paraiso at Impiyerno. Gayundin, upang bigyang babala ang tao na may nakalaang parusa sa Impiyerno sa taong hindi kumikilala sa kanyang Tagapaglikha.  Dahil dito, wala nang maipangangatuwiran pa ang tao sa Allah(U) sa takdang Araw ng Paghuhukom kung tumanggi sila sa mga aral na dala ng mga Propetang isinugo sa daigdig.

Nagturo ang mga Propeta sa tao na magkaroon ng pamumuhay nang may pagkakaisa, kapayapaan at pagkatakot sa Allah(U).  Sa dahilang hindi lubusang nalalaman ng tao kung ano ang tama at mali, nagpadala ang Allah(U) ng mga Propeta sa buong kasaysayan upang igabay ang tao sa tamang landas.

Ang ilan sa mga Propetang isinugo ng Allah(U) ay sina: Noah, Abraham, Ismael, Isaac, Jacob, David, Solomon, Moises, Hesus at Muhammad.

Ang kahuli-hulihang Propetang ipinadala ng Allah(U) ay si Muhammad.  Katulad din ni Hesus at ng iba pang mga naunang Propeta, siya ay nagturo rin ng Islam – ang pagsamba lamang sa Tangi at Nag-iisang Tunay na Diyos (AllahU).

Ang pinakabuod ng mensahe ng Islam ay ang pagsamba lamang sa Nag-iisang Tunay na Diyos (Allah(U) na lumikha sa lahat.  Ang sinumang sumusunod, sumusuko at tumatalima sa Allah(U) bilang pagsamba ay tinatawag na Muslim.  Sa puntong ito, ang lahat ng Propetang isinugo ng Allah(U) ay iisa ang dalang pananampalataya, ang Islam at sila ay mga Muslim sa dahilang sila'y sumunod, sumuko at tumalima sa nagpadala sa kanila – ang Allah(U).

Kaya, ang Islam ay hindi bagong pananampalataya bagkus naroon na ito sa panahon pa ni Adan, ang kauna-unahang taong nilikha ng Allah(U).

Hindi ilalagay ng Allah(U) ang tao sa Impiyerno kung hindi ito nakarinig ng mensahe ng mga Sugo at Propetang Kanyang ipinadala.  Kaya ang sinumang dinatnan ng mensahe ng sinumang Propeta, wala na siyang maidadahilan pa sa Allah(U) sa Araw ng Paghuhukom, kung sakali mang siya ay mamatay sa kalagayang hindi naniniwala.

Ang diwa ng mensahe ng lahat ng Propeta ay ang sambahin lamang ang Dakilang Lumikha na Siyang nagpadala sa kanila.  Kaya sinumang sumamba sa iba o magbigay katambal sa pagsamba sa Allah(U) ay nasadlak sa pinakamalaking kasalanan, at kung mamatay man siya sa ganitong kalagayan, wala na siyang pag-asa pa sa Paraiso.  Ating matutunghayan sa kabanata An-Nisa-4 :48 ng Banal na Qur’an:

Katotohanan, hindi pinatatawad ng Allah ang pagbibigay katambal sa Kanya, subali’t Kanyang pinatatawad sa kaninumang Kanyang nais (ang anumang kasalanan) maliban dito.  Sinumang magbigay ng katambal sa Allah sa pagsamba, tunay na nakagawa ng isang napakalaking  kasalanan.

Kaya nararapat lamang na iwasto ng bawa’t isa ang kanyang pananampalataya bago dumating ang takdang araw ng kanyang kamatayan - isang lantad na katotohanang kahaharapin ng bawa’t may buhay.  Maging sinuman ay walang kakayahang takasan o pigilan ito.  Walang sinumang nakababatid sa takdang oras nito maliban lamang sa nagpahiram ng ating buhay - ang Allah(U).  Nagaganap ang kamatayan sa bawa’t sandali at katiyakang mararanasan ito ng bawa’t tao anuman ang kalagayan niya sa buhay.  Ang Allah(U) ay nagwika:

Ang bawa’t kaluluwa ay makararanas ng kamatayan. At sa Araw ng Paghuhukom lamang kayo bibigyan ng tunay at ganap na kabayaran. [Kabanata Al Imran 3:185]

Gayundin, bilang pagbibigay-diin na ang lahat ay babawian ng buhay ng Allah(U) at ang lahat ay magbabalik sa Kanya, Siya ay nagwika: 

Ang bawa’t kaluluwa ay makararanas ng kamatayan. At kayo ay ibabalik sa Amin. [Kabanata Al Ankabut 29:57]

Bagaman ginawaran tayo ng Allah(U) ng kaisipan at talino,  hindi pa rin natin kayang isipin kung sino talaga ang tunay na Diyos.  Tanging ang mga Propeta at Sugo lamang na Kanyang ipinadala sa daigdig ang ating mga saligan kung papaano natin Siya kilalanin at sambahin.  Ibinigay ng Allah(U) sa Kanyang Huling Sugo na si Propeta Muhammad ang buo at ganap na katuruan ng pananampalatayang itinakda Niya sa tao.  Ipinahayag sa kanya ang panghuling Aklat (Qur’an) at gayundin ang mga Hadith na magsisilbing gabay sa sangkatauhan hanggang sa wakas ng daigdig.  Sinumang nabubuhay sa ngayon ay wala na siyang mapagkukunan ng iba pang mapananaligang batayan maliban sa panghuling kapahayagan ng Allah(U) na nananatili sa orihinal na anyo magpahanggang ngayon.  Bilang panghuli sa mga Propeta at Sugo na ipinadala ng Allah(U) sa daigdig,  nasa kay Propeta Muhammad na ngayon ang panuntunan na dapat sundin ng tao sapagka’t siya ang Huling Sugo ng Allah sa buong sangkatauhan.  Ating mababasa sa Banal na Qur’an:

Sabihin mo (O Muhammad): ‘O sangkatauhan!  Katotohanan, ipinadala ako sa inyong lahat  bilang Sugo ng Allah’. (Kabanata Al-Araf 7:158)

Katotohanan, nasa Sugo ng Allah ang isang magandang huwaran upang pamarisan ng sinumang naniniwala sa Allah at sa Huling Araw at lagi nang nag-aalaala sa Allah. [Kabanata Al Ahzab 33:21]