Maraming mga pagsubok ang dumaan sa buhay ng Propeta subali’t sa kabila ng mga kahirapan at kapighatiang kanyang naranasan sa kamay ng mga di-Muslim, siya ay nagpatuloy pa rin sa pagpapalaganap ng Islam.
Dumating din ang pagkakataong siya'y inalok ng mga taga-Makkah ng kayamanan, magagandang dilag at mataas na katungkulan sa lipunan itigil lamang niya ang pagpapalaganap ng Islam.
Bilang tugon sa kanila, siya’y nagsabi: “Kahit ilagay nila ang araw sa aking kanang kamay at ang buwan sa aking kaliwang kamay bilang kapalit upang itigil ko lamang ang misyong ito, hindi pa rin ako magtitigil hangga’t hindi gagawin ng Allah(U) na manaig ang katotohanan o dili kaya’y mamatay ako sa paglilingkod ng dahil lamang sa Kanya.”
Lalong tumindi ang pang-aapi at pagmamalupit ng mga taga-Makkah sa mga Muslim hanggang sa sila ay inatasan ng Allah(U) na lumikas patungong Yathrib (na ngayon ay kilala sa tawag na Madinah Munawarah).