ANG MGA PUNA NG MGA DI-MUSLIM KAY PROPETA MUHAMMAD

img

Marqoom

分类 :

语言 : Filipino

浏览 : 165

添加到收藏 : 0

George Bernard Shaw

Si Ginoong Bernard Shaw ay isinilang sa Ireland. Isa siyang manunulat ng tula, manunuri o kritiko at mananalaysay. Siya ay nahahanay sa mga pinakamahalagang tao sa larangan ng panitikan noong 1900’s.  Siya ay nagwagi ng Nobel Prize sa panitikan noong 1925.

At kanyang sinabi:

Kung ang isang taong katulad ni Muhammad ang magpapatuloy sa pamamahala ng makabagong mundo, uunlad siya sa paglutas ng mga suliraning hinaharap at kanyang maibabalik ang tunay na kapayapaan at kasiyahan na kailangan ng sangkatauhan.

At sinabi pa niya:

Pinag-aralan ko ang kanyang buhay – siya ay isang kahanga-hangang tao – at sa aking paniniwala, hindi siya laban kay Hesu-kristo at siya (Muhammad) ay dapat na tawaging tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ayon sa Encyclopedia Britannica:

Si Muhammad ang pinakamaunlad sa lahat ng mga Propeta at Pinuno ng pananampalataya.

Ayon sa World Book Encyclopedia:

Si Muhammad ang isa sa pinakamaimpluwensiyang tao sa lahat ng panahon.

Diwan Chand-Sharma
The Prophets of the East
Calcutta 1935, p. 122

Kanyang sinabi:

Si Muhammad ang diwa at buhay ng kabutihan at ang kanyang impluwensiya ay nadama at kailanma’y hindi malilimutan ng lahat ng taong nakapaligid sa kanya.

Rev. R. Bosworth-Smith

Kanyang sinabi:

Sa kabutihang-palad, ganap na walang katulad siya (Muhammad) sa kasaysayan, si Muhammad ang tagapagtatag ng isang bansa, isang imperyo (Empire) at isang pananampalataya (Islam).

Michael H. Hart

Si Ginoong Hart ay Kristiyanong Amerikano, isang dalubhasa sa larangan ng astronomiya, at mathematika. Siya ay isa ring Manananggol at Siyentipiko.  Pagkatapos ng kanyang malawak at masusing pananaliksik, siya ay naglathala ng talaan ng talambuhay ng isang-daang pinakamalakas o pinakamaimpluwensiyang tao sa lahat ng panahon. Kanyang pinagtibay na si Muhammad ang nangunguna sa kanilang lahat.


At kanyang sinabi:

"Ito ang pinagsamang sekular at relihiyosong impluwensiya/lakas na walang kapantay at aking nadarama na dapat kilalanin si Muhammad na pinakamaimpluwensiya sa kasaysayan ng tao.

At dagdag pa ni M. Hart.

“Ang aking pagpili kay Muhammad upang manguna sa talaan ng mga dakilang tao ay maaaring ikagulat ng maraming mambabasa at maaari ding maging isang katanungan sa iba, nguni’t siya lamang ang tanging tao sa kasaysayan ang naging matagumpay sa larangan ng relihiyon at maging sa sekular na antas (ng buhay).” Michael Hart, The 100: A Ranking of the most Influential Persons in History, New York: Hart Publishing Company, Inc. 1978, Pahina 33.  

Bilang panghuli, mahalagang banggitin ko rin ang isang magandang puna mula sa isang matalinong mananalaysay. Ayon sa kanyang sarili at malayang puna, kanyang sinulat na:
 
“Kung ang kadakilaan ng layunin, ang simpleng pamamaraan at ang kagila-gilalas na mga bunga ang siyang tatlong batayan ng katalinuhan ng tao, sino kaya ang makapaghahamon na ihambing ang sinumang dakilang tao sa makabagong kasaysayan kay Muhammad?  Ang mga kilalang tao ay gumawa ng mga sandata, mga batas at mga nagtatayugang mga kaharian lamang. Sila ay nakapagtatag, ng hindi hihigit sa materyal na kapangyarihan na kadalasa’y  gumuguho sa harap ng kanilang mga paningin.  Ang taong ito ay hindi lamang nakapagpagalaw ng mga sandatahang kawal, ng mga batas, mga kaharian, ng mga iba’t ibang lipon ng tao at angkan, nguni’t milyun-milyong tao na naninirahan sa ikatlong bahagi ng mundo; at higit pa roon, pinagalaw niya ang mga dambanang dalanginan, ang mga diyos, ang mga relihiyon, ang mga paniniwala, pananalig at maging ang mga kaluluwa…. Ang kanyang tiyaga at pagtitiis sa tagumpay, ng kanyang layunin na ganap na nakalaan sa iisang simulain at hindi sa hangaring makapagtayo ng kaharian; ang kanyang walang katapusang pagdarasal, ang kanyang marubdob at malahimalang pakikipag-ugnayan sa Allah, ang kanyang kamatayan at kanyang tagumpay pagkaraan ng kanyang kamatayan; lahat ng ito ay sumasaksi hindi ng pagkukunwari bagkus ng matatag na pananalig na siyang nagbigay sa kanya ng lakas ng kapangyarihan upang mapanumbalik ang isang prinsipyo. Ang prinsipiyong ito ay may dalawang kahulugan: ang Kaisahan ng Diyos at ang di-nalilikhang Diyos (na konsepto); ang una ay nagpapahiwatig kung ano ang Diyos at ang huli ay nagpapahiwatig nang kung ano ang hindi Diyos; ang isa ay nagtatakwil sa mga huwad na diyos sa pamamagitan ng espada at ang isa naman ay nagsisimula sa isang kaisipan sa pamamagitan ng salita”.

“Isang (dakilang) pilosopo, (mahusay na) mananalumpati, mambabatas, mandirigma, mananakop ng ibang kaisipan, (isang) tagapagpanatili ng makatuwirang prinsipyo (tungkol) sa isang uri ng pananampalataya na walang kinikilalang imahen o larawan (ng Diyos); tagapagtatag ng dalawampung makamundong naglalakihang kaharian at ng ispirituwal na kaharian, iyan ay si Muhammad. At hinggil sa lahat ng pamantayan na kung saan sinusukat ang kadakilaan ng tao, ito ang aming maitatanong, mayroon pa kayang isang tao na higit na dakila kaysa sa kanya (Muhammad)?” Ito ang puna ni Lamartine, Histoire de la Turquie, Paris 1854 Vol ii, Pahina 276-77.

Maraming salamat sa inyong pagbabasa at nawa'y nakatulong ito sa sinumang tapat na nananampalataya at naghahanap ng katotohanan. Sumainyo nawa ang kapayapaan at patnubay tayo ng Allah(U) – ang Dakilang Lumikha.