ANG ILAN SA MGA KATANGIAN NG KAGALANG-GALANG NA MAKKAH

img

Marqoom

分类 :

语言 : Filipino

浏览 : 218

添加到收藏 : 0

Sinabi ng Allah sa pamamagitan ng salita ni Ibrahim (Sumakanya nawa ang kapayapaan): {Aming Panginoon! Tunay na aking hinayaan ang ilan sa aking mga anak na manirahan sa isang lambak na walang halaman, sa tabi ng Iyong Banal na Tahanan (ang Ka`bah sa Makkah), upang sa gayon, aming Panginoon, sila ay magsipagtaguyod ng Salah (pagdarasal), kaya’t gawaran ang puso ng ilan sa mga tao na maging mapagmahal sa kanila, at tustusan Mo sila ng (iba’t ibang uri) ng bungangkahoy, baka sakaling sila ay tumanaw ng utang na loob ng pasasalamat} Ibrahim (14:37)
Katotohanan, ang sinumang tumutok sa pagbabasa ng kasaysayan ng Kagalang-galang na Makkah at sa mga nabanggit na teksto tungkol sa kadakilaan nito, sa mga kaganapan at kuwento na naganap dito, sa kanya'y malalantad ang isang mapapanaligang resulta na ang bayang ito ay tinakdaan ng Allah ng mga katangian na wala sa ibang lunsod at bansa.
Sa katunayan, tinakdaan din ito ng Allah ng mga panuntunang batas na wala sa iba, samakatuwid ito ay banal, ipinagbabawal ang pangangaso rito, ang pagpuputol ng mga kahoy nito, ang pagpulot sa mga nawawala rito at iba pang mga panuntunang batas.
Ang ilan pa sa mga katangian nito'y nahuhumaling ang mga puso rito, at nagiging mabiyaya ang isang Mud (650g.) dito at isang Saa (2.600kg.) bilang katugunan sa panalangin ni Ibrahim (Sumakanya nawa ang kapayapaan).
At ang ilan pa sa mga katangian nito, na ang sinumang maghangad dito ng gawang masama, kahit pa man ito ay kusang paghahangad lamang, ay ipapalasap sa kanya ng Allah ang isang masakit na kaparusahan.
Sinabi ng Allah: {At sinumang maghangad na kumiling ng gawang masama rito dahilan sa paglabag sa katarungan ay Aming palalasapin ng masakit na kaparusahan} Al-Hajj (22:25)
Ang mga katangian na ito ay kilala at nakasulat sa mga aklat na pang-agham.
Nguni't ang sinumang magbigay ng pansin sa kaukulang bagay na ito sa Makkah na siyang pinakamamahal sa Allah sa lupalop ng kalupaan, makikita niyang ang Allah ay nagbukod-tangi rin dito ng natatanging katangian, at ito ay:
Katotohanan, ang Allah ay nagbigay dito ng saligang mga biyaya tulad ng biyayang patnubay, ng kapaki-pakinabang na kaalaman, ng matuwid na gawa, ng pambihirang karunungan, at gayundin ng mga antas ng pagiging ganap na alipin tulad ng antas ng Eeman (Pananampalataya), ng Ihsan (Tugatog ng Kabanalan) at ng Shahadah (Pagkamartir), ng pagiging tapat at iba pa rito, higit na mas marami at mas mabilis ang pagbibigay Niya rito kaysa sa ibang mga bansa bukod dito.
Tinutugunan Niya rito ang sinumang nananalangin sa Kanya ng mga biyaya at mga antas na ito, nang mas mabilis kaysa sa pagtugunan Niya sa sinumang nasa ibang bansa bukod dito, samakatuwid ibinibigay ng Allah ang mga biyayang ito sa lahat ng bansa sa kalupaan, subali't sa Makkah ay higit na mas mabilis at mas marami – ang Allah ang higit na Nakaaalam.
Kaya pagmasdan! Halimbawa, Siya ay nagbigay sa Kanyang Propeta na si Ibrahim (Sumakanya nawa ang kapayapaan) sa labas ng Makkah, ng antas ng Islam, ng Pananampalataya, ng tugatog ng kabanalan, ng pagka-propeta at pagkasugo, subali't nang ipagkakaloob na Niya sa kanya ang antas ng pagiging malapit sa Kanya (ang pagiging Khaleelullaah) na siyang pinakamataas na antas, tinawag siya sa Makkah, at doon ay mas matindi ang dinaanan niyang pagsubok, kaya ang kaloob ay mas malaki, na kung saan ay ipinagkaloob sa kanya rito  ang antas ng pagiging malapit sa Kanya – ang Allah ang higit na Nakaaalam.
At gayundin ang Propeta nating si Muhammad (s.a.w.), ang kanyang puso ay pinuno sa Makkah ng saligang biyaya pagkatapos niyang dumaan ng malalaking pagsubok, at pagkaraan ay biniyayaan siya ng antas ng pagkamalapit sa Allah sa Makkah, at pagkaraan ay ipinahintulot sa kanya na lumikas sa Madinah – ang Allah ang higit na Nakaaalam.
At gayundin naman na maaaring ang ilan sa mga layunin ng Hajj ay ang papuntahin ang isang Muslim sa lugar na ito, na kung saan ay magiging malaki ang kagandahang-loob at kaloob ng Allah nang higit na marami kaysa sa ibang mga lugar bukod dito, kaya mas lalong lumalago sa kanya ang Ibadah sa iilang mga araw lamang upang siyang mapagkalooban ng mga biyayang ito at iba pa na mas marami kaysa sa naipagkakaloob sa kanya sa kanyang bansa na pinanggalingan.
Kaya kapag binigyan ng pansin ng nagsasagawa ng Hajj ang natatanging katangian na ito ng Makkah, siya ay magpupursige ng panalangin sa Allah na sa kanya’y palaguin ang lahat ng mga biyayang ito, ang saligan nito at hindi saligan, lalung-lalo na ang saligan nito, at na itaas ang kanyang katayuan sa pagka-alipin.
At maaring tugunan sa kanya ng Allah ito sa maikling paglalakbay na ito, at palaguin ang kanyang kaalaman o ang kanyang katalinuhan o ang kanyang pagkabanal o ang kanyang matuwid na gawain o itaas ang kanyang antas, na kung saan siya ay dumating na isang Muslim at uuwi na isa nang Mu'min (nananampalataya), o dumating na isang Mu'min at uuwi na isa nang Muhsin (mapaggawa ng kabutihan), o dumating na isang Muhsin  at uuwi na isa nang Siddiq (napakamatapatin)..
At ang pamamaraan ng Allah sa mga orihinal na biyaya ay hindi Niya ipinagkakaloob sa isa sa Kanyang mga alipin hangga't hindi Niya naidadaan sa pagsubok at pagsusulit, kung kaya't tumindi ang pagsubok ni Ibrahim (Sumakanya nawa ang kapayapaan) sa Makkah nang higit kaysa sa Iraq at sa Sham, at gayundin na tumindi ang pagsubok kay Muhammad (Sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan) sa Makkah nang higit kaysa sa Madinah, at iyon ay upang maabot nila ang antas ng pagkamalapit sa Allah, ang Allah ang higit na Nakaaalam.
Ito ang dahilan kung bakit tumitindi ang pagsubok at pagsusulit sa nagsasagawa ng Hajj sa Makkah bilang paunang bigay sa dakilang pagkaloob na siyang kanyang inaasam-asam mula sa Allah na kung siya ay nagtiis at nagpakabanal sa Allah.
Kung kaya't ang Allah ay nagsasabi: {Datapuwa't kung sinuman ang magmadali na lumisan (sa Mina) pagkaraan ng dalawang araw, siya ay walang kasalanan, at sinuman ang nais magpahuli (sa ikatlong araw), siya ay wala ring kasalanan, (ito ay) para sa kanya na umiiwas (sa mga ipinagbabawal ng Allah). Kaya’t Matakot kayo sa Allah at inyong alalahanin na kayo ay tunay na titipunin sa Kanya}. Al-Baqarah: (02:203)
At alam sa kasaysayan na ang sinumang magmadali sa dalawang araw, katotohanang sa kanya ay pinagaan ng Allah, kaya siya ay walang sala, nguni't iisipin ng bumabasa na sasabihin sa karapatan ng nagpahuli: at sinuman ang nagpahuli ay sasakanya ang dakilang gantimpala.
Datapuwa't ang Allah ay nagdagdag ng isang kundisyon sa Talata na ito para sa nagpapahuli na magkaroon ng wagas na takot sa Allah, batay sa nagsasabi na ang kundisyong pagkawagas ng takot sa Talata na ito ay tumutukoy sa nagpapahuli lamang, at ito – ang Allah ang higit na Nakaaalam – ay dahil sa dadagdagan siya ng pagsubok upang madagdagan din siya ng kaloob.
Kaya sinuman ang nagpahuli, siya ay makakatagpo ng napakalaking kaloob, subali't pagkaraan ng napakalaking pagsubok,,, ang Allah ang higit na Nakaaalam.
Sinabi ng Allah: {O inaakala ba ninyong makakapasok kayo sa Paraiso na hindi man lamang mapapatunayan ng Allah (nang lantaran) kung sino sa inyo ang mga nagpunyagi (sa Kanyang Kapakanan) at mapapatunayan (nang lantaran) kung sino ang mga matiyaga?} Al-Imran (03:142)