DALAWANG URI NG PAGSUNOD SA DIYOS (ALLAH)

img

Marqoom

分类 :

语言 : Filipino

浏览 : 193

添加到收藏 : 0

May dalawang uri ng pagpapasakop at pagsunod sa nag-iisang Lumikha at Panginoon ng lahat.

1. LIKAS NA PAGSUNOD (inherent). Ang Likas at di-maiiwasang pagsunod sa kalooban ng Allah (swt). Ang lahat ng nilikha ay nasasakop o sumasailalim sa "Likas na pagsunod". Walang sinumang nilikha ng Allah (swt) ang maaaring tumanggi at sumuway sa Kanyang mga kautusan.

HALIMBAWA: Ang araw ay binigyan ng Allah (swt) ng kautusan na sumikat at lumubog sa oras na itinakda sa kanya. Gayundin, ito ay mananatili sa lugar na itinalaga sa kanya. Ito ay hindi dapat lumapit o lumayo kahit bahagya man sa mundo at kanyang tungkulin ang magbigay liwanag, init, at iba pa. 

At dahil dito ang araw ay nasasakop sa tinatawag na "Likas na pagsunod" sapagka’t ginagampanan lamang nito ang kautusan ng Allah (swt) nang walang pagsuway simula pa nang ito ay likhain.

Ang hangin, tubig, apoy, puno, hayop at iba pa, ay nilikhang lahat ng Allah (swt) na may kanya-kanyang utos na sinusunod. Sa literal na pananalita, sila ay nasa ilalim ng "Likas na pagsunod". 

Ganoon din naman, sila ay literal ding matatawag na mga Muslim sapagka't ang Muslim ay yaong sumusunod sa utos ng Allah (swt) at lubusang nagpapasakop sa Kanya. Ang tunay na Muslim ay yaong ganap na sumusunod ng walang pasubali sa mga batas ng Allah (swt) at tanging Siya lamang ang pinag-uukulan ng pagsamba.

Dapat din nating mabatid na ang isang tunay na Muslim ay hindi yaong nagsasabi na siya ay isang Muslim o ipinanganak sa bansang Muslim, at hindi rin yaong mga tao na ang mga magulang ay Muslim, Hindi ito ang pagkakakilanlan sa isang tunay na Muslim.

2. KUSANG-LOOB NA PAGSUNOD (Willful Obedience)
Ang kusang-loob na pagsunod (willful obedience) ng nilikha sa mga kautusan ng Allah (swt) ay pagsunod nang  may pagpapasiya.  Maaari niya itong sundin o hindi. Siya ay may layang magpasiya ayon sa kanyang nais. May dalawang uri sa mga nilikha ng Allah (swt) ang pinagkalooban Niya ng layang pumili at magpasiya ayon sa kanilang sariling kagustuhan. Ito ay ang Jinn at tao.

Ang sumunod nang kusa sa mga kautusan ng Allah (swt) ang matatawag na Muslim, Muslim sa diwa ng tunay na pagtalima sa utos ng Diyos, hindi pinilit bagkus ito ay kusa. 

Sa aking panimulang mga paliwanag, tinalakay ko na tayo ay dapat magbalik-Islam, sapagka’t ito ang relihiyon ng lahat ng mga nilikha ng Diyos. Tinalakay ko na ang tao ay binigyan ng layang pumili upang siya ay sumailalim sa "Kusang-loob na pagsunod". (willful obedience). Kabilang sa kalayaang ito ay ang piliin ang relihiyon na ibinigay sa atin ng Allah (swt): Ito ay ang Al-Islam.